Advertisers

Advertisers

ANIM NA BUWANG PAGKABIHAG SA ABU SAYYAF, NAGING HUGOT NI DIREK CESAR SA FAMAS-WINNING ‘IN THY NAME’

0 24

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

Para sa filmmaker na si Cesar Soriano, higit pa sa pagkilala sa kanyang talento ang pagkakapanalo sa 74th FAMAS Awards. Isa itong pagpapatunay sa kanyang dedikasyon sa pagsasalaysay ng mga kuwentong nakaugat sa katotohanan, pananampalataya, katapangan at katatagan ng loob.

Espesyal sa puso ni Direk Cesar ang kanyang award-winning film na In Thy Name, na kabilang sa mga nag-uwi ng pinakamaraming parangal sa naturang prestihiyosong awards ceremony.



“I know I did my best. This is a film I’m proud of,” pahayag ng direktor.

Isinasalaysay ng pelikula ang buhay ni Claretian missionary na si Father Roel Gallardo, na naging simbolo ng pananampalataya at sakripisyo dahil sa kanyang pagiging martir. Isinusulong na rin ang proseso para sa kanyang posibleng pagkilala bilang santo.



Para kay Soriano, higit pa sa isang pelikula ang mensaheng hatid ng In Thy Name.

“In Thy Name just proved that having faith in God, nothing is impossible,” aniya.



Hango at inspirado sa mga tunay na pangyayari, dumaan sa masusing pananaliksik ang pelikula. Kabilang sa mga pinagkunan ng impormasyon ang mga nakaligtas sa insidente, mga miyembro ng militar at pamilya ng pari. Nakuha rin ng produksiyon ang suporta ng mga Claretian missionary, ang kongregasyong kinabibilangan ni Father Gallardo.

Hindi na bago kay Soriano ang pagsasapelikula ng mga kuwentong batay sa tunay na pangyayari. Malaki ang impluwensiya rito ng kanyang pagiging mamamahayag.

Noong 2018, ginawa niya ang kanyang unang pelikula na Ang Misyon: Marawi Siege Story, na sinundan naman ng The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story noong 2020.

“My films are based on real-life accounts, maybe because I love to be a realist. I’m a journalist. I want to tell stories that I witness. Marami sa mga kuwentong ito, nakikita ko ang katotohanang kailangang malaman ng mga manonood,” paliwanag niya.

Ngunit may mas personal na dahilan kung bakit malalim ang koneksiyon ni Soriano sa mga kuwentong tulad ng In Thy Name at Ang Misyon.

Inamin ng direktor na naging bihag din siya ng Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan.

“Nakaka-relate ako sa kuwento because I was also a kidnap victim by the Abu Sayyaf before for six months. Naranasan ko iyong sampalin, busalan, duraan at ihian,” pagbabahagi niya.

Isang masakit at traumatikong yugto iyon ng kanyang buhay. Gayunman, ang mapait na karanasang iyon ang nagbigay sa kanya ng mas malalim na pag-unawa sa paghihirap, takot at katapangang inilalarawan sa kanyang mga pelikula.

Apat na parangal ang naiuwi ng In Thy Name sa 74th FAMAS Awards na ginanap noong Oktubre. Nakatabla nito ang Quezon bilang isa sa mga pelikulang may pinakamaraming panalo sa naturang seremonya.

Kabilang sa mga parangal na nasungkit ng pelikula ang:

Best Picture: In Thy Name
Best Director: Cesar Soriano, kasama ang co-director na si Rommel Galapia Ruiz
Best Actor: McCoy de Leon para sa kanyang pagganap bilang Father Roel Gallardo
Sa apat nitong panalo, lalo pang pinagtibay ng In Thy Name ang puwesto ni Soriano sa hanay ng mga direktor na nagsusulong na maipalabas sa malaking screen ang mahahalagang kuwento ng mga Pilipino.

Para sa direktor, gayunman, higit pa sa mga tropeo at pagkilala ang tunay na gantimpala: ang maiparating sa mga manonood ang mga kuwentong puno ng katapangan, sakripisyo at pananampalataya na mag-iiwan ng pangmatagalang marka sa kanilang puso at isipan.