Advertisers
NASAWI ang tatlong miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang menor de edad, nang pagbabarilin habang sakay ng kanilang top down tricycle sa Sitio Dagupan, Barangay South Villazar, Sipocot, Camarines Sur, umaga ng Lunes, Nobyembre 16.
Kinilala ang mga biktima na sina Francis de Jesus, padre de pamilya at driver ng hauler; Jennifer Navales at ang kanilang menor de edad na anak.
Ayon sa report ng pulisya, agad nasawi sina de Jesus at Navales, habang idineklarang walang buhay nang idating sa ospital ang kanilang anak na isinugod ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Batay sa paunang imbestigasyon, narinig ng isang barangay tanod ang putok sa lugar subalit hindi agad ito binigyang pansin.
Makalipas ang humigit-kumulang 20 minuto, isang magsasaka na nakakita ang nag-report at inakalang isang vehicular accident ang nagyari kaya nagtungo sa lugar ang tanod upang rumesponde.
Doon natuklasan ang dalawa katao na walang buhay, kungsaan nakasabit sa manibela ng tricycle ang padre de pamilya at nakahandusay naman sa sementadong kalsada ang isa pang biktima.
Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala, isang slug at isang hindi pumutok na bala ng hindi pa matukoy ang kalibre.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya, kabilang ang pagkuha ng CCTV footage sa mga establisimyento at bahay sa paligid upang matukoy ang pagkakakilanlan at matunton ang salarin.