Advertisers

Advertisers

KALOKOHAN NG MGA ‘LENITIC’

0 15

Advertisers

HINDI kami kumporme na pilitin si Leni Robredo, butihing alkalde ng Naga City, na sumabak sa halalang pampanguluhan ng 2028. Nagpahayag na wala siyang balak ngunit pinipilit siya ng mga kasapi ng kulto na tinawag na “Grupong Lenitic” na sumabak sa 2028. Nangangalap sila ng 40 milyon lagda upang himukin siya na lumaban sa 2028.

Para sa amin, kalokohan iyan. Walang kahihinatnan iyan. Ayaw ni Leni ng sakit ng ulo. Igalang ang kanyang desisyon na hindi tumakbo bilang reeleksiyonistang alkalde sa Naga City sa 2028. Huwag maniwala na tanging si Leni ang magliligtas sa Filipinas. Malinaw na kabaliwan na ang ipinipilit na ipalulon sa bansa.

Hindi si Leni ang magsasalba sa bansa. Tanging tayo – ang mga mamamayang Filipino – ang magsasalba sa ating sarili. Hindi makatwiran iatang natin sa isang pulitiko ang kinabukasan ng Filipinas. Mayroon ibang pulitiko na may sapat na karanasan upang gabayan ang bansa sa tamang landas ng pag-unlad.



Hindi monopolyo ni Leni iyan. Naiintindihan mo ba iyan, Ted Perena? Itigil na ang inyong mga kalokohan at kabaliwan. Bawasan ang galit at inggit.
*
MAY pagpipilian maliban kay Leni. Matatag rin sila at hindi mapapasinungalingan ang kanilang pagmamahal sa bayan. Nandiyan si Risa Hontiveros, Gibo Teodoro, Bam Aquino, at Raffy Tulfo. Pawang kontra Tsina ang mga iyan at may maningning na record sa serbisyo publiko.

Maaaring ilaban ang sinuman sa kanila kontra sa kandidato ng Davao City na sinuman kay Robin Padilla at Baste Duterte. Pero por Diyos po santo, bakit ang dalawang aso ang ilalaban ng grupong Dabaw? Wala na silang mahugot upang ilaban.



Kunsabagay, hindi namin nakikita na makakalusot si Sara Duterte sa impeachment trial. Sa pagkahaba-haba ng prusisyon, isa lang ang kalalabasan niyan: matatanggal sa posisyon si Sara bilang pangalawang pangulo at hindi na siya makakatakbo sa 2028. Wala silang matinong panlaban maliban kay Robin at Baste.

Mukhang sanggano si Baste sa dami ng tattoo sa katawan. Mistulang bagong labas sa piitan ng Muntinlupa. Samantala, sanggano ang dating ni Robin dahil dati siyang preso sa Muntinlupa. Wala silang pagkakaiba. Hindi matatanggap ng bayan ang alinman sa kanila upang maging pangulo ng bansa.
***
HINDI namin akalain na maraming kaluluwa ang nagagambala sa aming isinulat na kolum noong Linggo tungkol sa mga naglitawang pekeng environmental group sa Zambales. Binubuo lang ng tatlo o apat na katao ang mga pekeng environmental group na iyan at ipinapilit nila na sila ang magtatakda ng anong mabuti sa bayan. Bistado ang raket nila.



May nagpadala sa amin ng kalatas tungkol sa problema sa mga pekeng environmental group sa Zambales. Inuulit namin: ang problema sa Zambales ay ang mga naglipanang environmental group na nagpapanggap na tagapagtanggol ng kaligiran pero ang katotohanan ay ipinapalusot ang kanilang raket doon. Iyon ang pagbebenta nila ng ilegal na “rights” upang angkinin at pagtayuan ng ilegal na istraktura sa mga “unclassified public land,” o mga lupaing ipinanganak dahil sa pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991.

Nagpakilala ang nagpadala bilang isang mamamayan sa bayan ng San Felipe, ang pangunahing bayan ng Zambales kung saan may malaking unclassified public land ang umusbong dahil sa Pinatubo. Hindi namin alam kung ano ang organisasyon People Power Volunters for Reforms (PPVR). Hindi ipinaliwanag sa amin, pero may pahimakas na hindi lahat ng environmental group ay sang-ayon sa salita ng isang environemntal group na binubuo ng tatlo katao na nagtatakda na ang dredging ang problem doon.

Narito ang kanyang kalatas: “Meron kaming problema dito sa San Felipe dahil may lumapit kay Rep. Leila de Lima na nagreklamo tungkul sa dredging ng San Felipe.

“For how many years, alam nyo na isa kami sa nakikipaglaban sa Environment, pero this time sa Macolcol Bridge ay kailangan ma-dredge. Hinde lang dahil sa silted na. Kundi dahil barado iyong river mouth ng Macolcol ng 12 to 14 meters na lahar. Dahil ito ay delta, hinde naghahalo iyong tubig alat sa tubig ilog. Kapag hindi mahinto [ang siltation o pagbara ng bunganga ng ilog], kami taga San Felipe at San Narciso ay manganganib sa lahar.

“Kaya kami ho ay nakikiusap na kung puede sa tulong natin sa PPVR, ay mabigyan kami ng pagkakataon na mapakingan, hindi lang yong nagreklamo kay Senator Laila, dahil hinde lang pumuprotekta sa mga illegal na nasa tabing dagat, dahil din pinuprotektahan nya yong sarili nyang resort na illegal din.

“Dahil pag magkataon, kami rin ay mag rally against sa pagpahinto ng dredging dahil kami mismo ay nakatira sa San Felipe.”
***
HINDI nakakatuwa ang marahas na pagbuwag sa rally ng mga aktibista laban sa pagdating ni Donald Trump sa bansa at sa Pax Silica. Hindi kailangan ang karahasan. Iisa ang lumabas na impresyon sa pamunuan ng DILG at PNP. Mukhang ang mga aktibita lang ang kaya ni Jonvic Remulla at Gen. Melencio Nartates.

Hindi nila mahuli-huli si Bato dela Rosa, Atong Ang, at Gerald Bantag. Ang pinagdiskitahan nila ay ang mga aktibista na nagpahayag lang ng kanilang saloobin. Labis ang kasalatan ng dalawa sa kakayahan upang ipagtanggol ang bayan. Labis na silang nakakatawa. Ang pinakamaganda ay pareho silang magbitiw at ibigay ang poder sa mas may kakayahan.

***

Email:bootsfra@gmail.com