Advertisers
PINAGTIBAY ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsusulong ng strategic petroleum reserve ng Pilipinas.
Ito’y upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa harap ng mga posibleng aberya sa pandaigdigang energy supply.
Sa kanyang talumpati sa 4th Asia Zero-Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na kailangan ang matibay na imprastraktura at sapat na financing upang maisakatuparan ang plano.
Binigyang-diin ni PBBM ang pangangailangan ng mas malapit na koordinasyon sa pagitan ng mga bansang nagluluwas at umaangkat ng langis, kabilang ang pagbabahagi ng impormasyon at pagtatatag ng mga pasilidad para sa pag-iimbak nito.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, mahalagang magtulungan ang mga bansa upang mapanatiling bukas ang mga pangunahing ruta ng kalakalan at maiwasan ang labis na pagbabago sa presyo ng enerhiya. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)
25 gigawatts na renewable energy capacity target ng Pilipinas pagsapit ng 2035
TARGET ng Pilipinas na magkaroon ng hindi bababa sa 25 gigawatts na renewable energy capacity pagsapit ng 2035.
Ito’y bilang bahagi ng pagsusulong ng mas malinis at maaasahang pinagkukunan ng kuryente.
Sa kanyang talumpati sa 4th AZEC Leaders’ Meeting, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isinusulong ito sa pamamagitan ng Green Energy Auction Program.
Kasunod nito, layon din ng pamahalaan na mapataas sa 50 porsiyento ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix ng bansa pagsapit ng 2040.
Bukod sa renewable energy, kabilang din sa mga pinag-aaralang alternatibo ang liquefied natural gas o LNG, nuclear power, hydrogen, ammonia at biofuels upang magkaroon ng mas maraming mapagkukunan ng enerhiya ang Pilipinas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)