Advertisers

Advertisers

PAHIRAP SA BAYAN ‘YANG JEEPNEY MODERNIZATION PROGRAM

0 390

Advertisers

PANAHON na nga bang i-modernize ang ating iconic jeepney na sikat sa buong mundo?

Teka, saan ba nanggaling ang salitang “Jeep” at “Jeepney”?

Iniwan ng US army ang nagtambak na general purpose (GP) vehicle na ginamit sa paghahatid ng mga gamit sa giyera, sundalo at iba pa, matapos ang pananakop ng Hapones noong World War II.



Noong 1947, nagkaroon ng idea ang Cavitenong si Leonardo Sarao at si Anastacio Francisco ng Zapote, Las Pinas na i-convert ang iniwang GP na sa kalaunan ay naging Jeep, Dyip, Jeepney ang tawag at ito na ang naging mode of transportation nating mga Pilipino.

Dating calesa driver si Nardo at naisip niya, sayang ang nakatambak na surplus GP vehicle, gawin kaya niyang pampasahero at isinilang ang Sarao Motors.



Kasunod nito, nagdisenyo rin ng sariling conversion ng surplus GP vehicles si Francisco na noon ay may maliit na talyer sa Zapote.

Isinilang ang Francisco Motors Corp. na nagsimula ring mag-assemble ng van, minibus at kotse.



Noong 2015, naisip ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isamoderno ang jeep para mabawasan ang mga aksidente sa daan, at maalis na rin ang sobrang polusyon sa hangin at kapaligiran ng mga lumang makina at di-maayos na maintenance ng Jeepney operators at drivers na sige lang ang takbo para kumita araw-araw.

Kailangang kumayod na parang kalabaw ang mga driver dahil sa boundary system — na kahit walang kinita ang tsuper, obligadong magbigay ng arawang “bayad” o boundary ng operator o may-ari ng jeep.

Ang maganda sa jeep, naseserbisyuhan nito ang mga rutang hindi napapasok ng mga bus, lalo na sa mga liblib na lugar, mga bulubundukin na bihira ang transportasyon sa paghahatid ng tao at kalakal.

Gusto ng gobyerno na alisin sa kalsada ang jeep na mahigit nang 15 taon mula sa pagkagawa niyon at ma-improve na ang bagong lalabas na jeepney batay sa PUVs international standards — na okay, tama lang.

Ito ang problema ng mga operator at driver na payag ngang isamoderno ang ipinapasadang jeepney pero napapa-Susmaryosep! dahil milyones pesos ang halaga ng isang unit ng modernong jeep.

At dapat daw, yung makina ay dapat sumusunod sa EURO IV emission standards or higher.

Kailangan may closed-circuit television (CCTV) camera, dashboard camera, disability friendly, may masarap na kutsong upuan, may free Wi-Fi access at sa modernong jeep na ito, bawal ang sobra sa 5 tao na nakatayo.

Itsurang minibus ang disenyo ng inirerekomendang modernong jeep ng LTFRB — na hindi kaya ng bulsa ng karaniwang operator o kooperatiba ng mga operator at driver.

Okay ang nais ng LTFRB na mabigyan ng bagong training ang public utility vehicle (PUV) drivers para iwas aksidente at violation sa trapiko at matuto ng disiplina at kortesiya sa mga pasahero.

Makababawas daw sa traffic congestion ang modernong jeepney na maginhawang sakyan, di tulad ng jeepney ngayon na maliit na at siksikan pa sa pasahero at dala nilang mga gamit.

OK sa lahat ang modernization pero ang halaga nga ay hindi kaya ng isang jeepney operator at driver.

Dahil hindi makabibili ng modernong jeepney, patay ang hanapbuhay ng maliliit na operator at driver at sino ang makikinabang?

Ang malalaking negosyante na kayang bumili ng maraming unit mula sa China o sa ibang bansa.

Resulta, tataas ang pamasahe at di na ito makakaya ng dugyot na Pinoy commuters na sampung kahig na ay wala pang matuka.

Inhuman, hindi ito makatao sa paniniwala ng mga kontra sa modernization at bingi sa hinaing ng daan-daan libong operator at jeepney driver.

Isa sa pinerwisyo ng pandemyang COVID-19 ay mga kawawang jeepney driver na tumigil sa pasada at ngayon na bahagyang nakababawi, eto na ang modernization na tuluyang papatay sa kanila.

Mangyayari, ang mabubuhay lang ay mga higanteng korporasyong kayang bumili ng milyones na halagang modernong jeepney.
***
Loan daw ang solusyon, e sino ang magpapautang ng milyong piso sa dugyot na driver at operator, e tuwing may kalamidad, umaasa lamang sa ayuda na madalas ay napagkakaitan pa ng mga korap ng taong gobyerno.

Maganda sa tingin ang modernization pero ang tukoy na pakay nito: patayin ang maliliit at magkamal ng salapi ang mayayamang negosyante katulong ang LTFRB at ilang burukrata kapitalista sa gobyerno.

Isipin, kung makautang ang isang jeepney cooperative at hindi makabayad, sino ang sasalo ng kanilang prangkisa at operasyon ng pasadang modernong jeepney?

Ang bangko at ang nagpautang na mayayamang negosyante, at ang kaawa-awang driver ay maiiwang namamalimos sa kalye.

Tama ang modernization pero ituon ang pansin sa interes ng maliliit na operator at driver, sa mahihirap na commuter at ang pagbangon nila sa hirap ng buhay at perwisyo ng pandemya.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o mag-emal lang sa bampurisima@yahoo.com.