Advertisers
EXTENDED ng 90 days ang SIM CARD registration. Ibig sabihin ay may tatlong buwan pa ang pamamayagpag ng scammers!
Ito kasing mga kababayan natin, binigyan na ng apat na buwan para magparehistro mula nung last week ng Disyembre 2022 ay hindi parin ginawa. Magkukumahog lamamg magparegistro kung deadline na. Ewan!
Dito sa 90-day extention simula ngayon, siguro naman ay makapagparehistro na ang lahat kundi ay putol ang komuniskasyon ninyo ng dyowa nyo. Hehehe…
***
Naku!!! Umuugong na naman ang banta ng “kudeta” sa hanay ng Pambansang Pulisya at Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil siguro ito sa magulong pamumuno ng ilang matataas na opisyal na pinagkakatiwalaan ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.
Oo! Kung napapansin ninyo, walang tigil ang paghahagupit ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) sa hanay ng pulisya simula nang pamunuan nila Benhur Abalos (DILG) at “Boying” Remulla (DOJ) ang naturang mga ahensiya.
Bago ang pagkabalisa ng Philippine National Police (PNP), noong pagpasok ng bagong taon ay nagkaroon ng kalituhan nang mapabalita na may mass resignation na naganap sa Department of National Defense (DND) at kumalat ang isang memo na nasa full alert status ang PNP.
Nakasaad sa memo ang mga utos na “100 percent attendance of personnel”, “monitor movements of AFP troops”, at “conduct simulation exercise on Camp Defense Plan and Communication Exercise (COMMEX) on communication networks”.
Mukhang totoo ito, mga pare’t mare. Kung hindi nga raw agad naayos ng pambansang gobyerno ang gusot ay posibleng natuloy ang kudeta. Opo!
Para mapatay ang apoy, ayon!!! naglabas noon ng nag-statement ang PNP na paghahanda lamang daw sa Traslacion na gaganapin noong panahon na iyon ang dahilan para sa memo. Ganun?
Kasalukuyang nagaganap parin ang reshuffle sa hanay ng PNP dahil narin sa mga tinatawag na “ninja cops”. Hindi naman natin maikakaila na may masasamang damo talaga sa pulisya. Kaso pero tila may nadadamay na inosente dahil sa “purging” na nagaganap sa loob ng Camp Crame.
Napakababa na nga ng moral ng ating mga pulis ngayon. Yung matitino ay nag-early retirement nalang. Ayaw nila madamay sa kabulukan ng kanilang mga kasamahan. Ang pakiramdam nila ay nagagamit sila sa mga kuwestiyonableng operasyon, gaya ng mga kababalaghang nangyayari kasunod ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Nandiyan ang mga biglaang raid na walang makuhang ebidensiya, pagbuhay sa mga lumang kaso para madiin ang mga suspek, at iba pa. Para tuloy nagiging mga piyesa ng chess nalang ang PNP sa laro nina Abalos at Remulla. Mismo!
Naniniwala tayo na prospesyunal ang ating mga pulis pero nasasalaula sila dahil sa pabida ng iba. Naaligaga ang buong PNP. Saan nga ba sila lulugar sa mga kaganapan ngayon? Imbes na makatutok sila sa kanilang mandato na mapanatili ang ‘peace and order’ ay mayroon namang mga politiko na ginagamit sila para sa mga pansariling interes at ambisyon.
Sa huli, sino ang magdurusa at magiging kawawa? Walang iba kundi ang buong sambayanang Pilipino. Saludo tayo sa ating mga pulis dahil nananatili silang tapat sa kanilang tungkulin sa kabila ng pakikialam ng ilan sa kanilang pamamalakad.
Sa ngayon ay nanatiling matimpi ang ating mga nakauniporme. Ngunit hanggang kailan ito bago kumulo ang lahat at bigla nalang sumabog? Tuldukan!