Advertisers
IPINAGMALAKI ni Pasay City Mayor Imelda ‘Emi’ Calixto-Rubiano ang dekalidad na produkto na nagmula sa Japan kung saan naglagay ng makabagong mosquito net o ‘kulambo’ bilang bahagi ng kanilang programa upang maprotektahan ang kalusugan at maiwasan ang pagkalat ng dengue lalo’t nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Ayon sa Ina ng lungsod, bilang paghahanda kontra sa sakit na dengue ay naglagay ang pamahalaang lokal ng Pasay ng mga kulambo na moderno at tinawag itong ‘Olyset Net’ kung saan ay ikinabit sa mga bintana ng classroom ng Timoteo Paez Elementary School (TPES) sa Apello Cruz Street, Malibay,Pasay City.
Ang Olyset Net ay isang produkto ng Japan na mabisang pangontra at pamatay sa mga mapanganib na ‘combat mosquitoes’, gayundin sa langaw.
Sinabi pa ng butihing Alkalde na ang lungsod Pasay ang kauna-unahang nakapaglagay ng Olyset Net sa mga pampublikong paaralan at ipagpapatuloy ang pagkabit nito sa lahat ng eskuwelahan upang tiyaking ligtas ang mga mag-aaral laban dito sa nakamamatay na sakit.
Sa ngayon, ang Pasay City government ay 100% nang nalagyan ng anti-dengue net ang mga silid-aralan.
Ipinag-uutos din ni Mayor Emi ang seryosong pagpapatupad ng 4 O’clock Habit program ng Department of Health (DOH) para masugpo ang dengue sa 201 barangays sa lungsod ng Pasay. (JOJO SADIWA with photos by CESAR MORALES)



