Advertisers
NAPATUNAYAN ng anti-graft court Sandiganbayan ang pandaraya ng dating prisons official sa mandatory public bidding at hinatulan makulong ito ng hanggang 24 taon.
Ang hinatulan ng Sandiganbayan 3rd Division ay si dating Bureau of Corrections (BuCor) acting chief accountant Ligaya Dador na responsable sa pagdaya sa kontrata para makaiwas sa public bidding.
Si Dador ay co-defendant ni dating BuCor director Gaudencio Pangilinan sa apat na kasong isinampa noong 2017, pero ang huli ay namatay January 2022.
Ang dalawa ay inakusang nagsabwatan sa pagpabor sa private contractors na Grand Potential Press Incorporated at Dotgain Solutions Incorporated na may kaugnayan sa kontrata sa office repairs na kinabibilangan ng: repair sa flooring ng BuCor assistant director’s office na nagkakahalaga ng P133,000 (napanalunan ng Grand Potential), repair ng male comfort room sa ground floor ng BuCor administrative building na nagkakahalaga ng P434,876 (napanalunan ng Grand Potential), repair ng female comfort rooms sa ground floor ng BuCor administrative building na nagkakahalaga ng P375,000 (napanalunan ng Dotgain Solutions), at repair ng dome canopy sa Gate 1ng BuCor administrative building na nagkakahalaga ng P478,000 (napanalunan ng Dotgain Solutions).
Sabi ng Ombudsman, noong 2012, hinati-hati ng BuCor executives ang proyekto sa apat na kontrata para makaiwas sa public bidding. Tapos ibinigay nila ang kontrata sa kanilang nakahandang suppliers na kasama rin sa mga kinasuhan.
Ang public bidding ay maiiwasan kung ang halaga ay mababa sa P500,000, ngunit iginiit ng testigo ng prosecution na si Josefina Gonzales, isang state auditor, na dapat isang repair project lang ang in-award sa nanalong kontraktor. Sinabi pa niyang walang perpektong kontrata sa lahat ng apat na transaksyon dahil ang mga kontraktor ay walang pirma sa purchase orders.
Sa 66-page Sandiganbayan decision na inilabas Hunyo 23, hinatulan si Dador ng 6 hanggang 8 taon pagkakulong sa bawat bilang ng graft, na may kabuuang 24 hanggang 32 taon.
Pinagbawalan na rin siyang magtrabaho sa gobyerno.
Pinawawalang-sala naman ng Sandiganbayan ang defendants mula sa private contractors nang nabigo ang prosecution patunayang nakipag-sabwatan ang mga ito sa BuCor para sa kontrata.