Advertisers

Advertisers

HALALANG PAMBARANGAY

0 195

Advertisers

Magsisipagbaba na ang mga opisyal ng barangay sa pwestong tangan sa katapusan ng buwan upang magbigay daan sa halalan sa Oktubre ng kasalukuyang taon. Masasabing maayos ang kalakarang ito dahil hindi magagamit ang pwestong tangan ng mga kasalukuyang lider ng barangay na may balak na muling maglingkod sa nasasakupan. Sa Hulyo 3 – 7, maghahain ng kanilang intensyon kung sino man ang nais na tumakbo sa halalan pambarangay at SK. Sa panahon na nakapaghain ng certificate of candidacy ang mga nagnanais na mahalal, hindi pa maaaring nangangampanya ang mga kakandidato. Itinakda ng COMELEC ang petsa ng pagsisimula ng kampanya para sa halalan. Ngunit batid ni Mang Juan na ito’y isang pormalidad lamang dahil kahit hindi panahon ng halalan nariyan na ang iba’t – ibang kandidato na isinusulong ang sarili sa mga bobotante upang maiboto’t manilbihan kuno. At talamak ‘di lang sa antas na pambarangay, maging sa pinakamataas na pwesto sa pamahalaa’y ginagawa ang panglililo sa taong bayan. Huwag kalimutan ang tulad ni Boy Pektus sa nakaraan at ang kilos ni Inday Sapak sa kasalukuyan.

Sa Batingaw ang halalang pambarangay ang isa sa pinakamahalagang halalan na ginaganap sa bansa sa kadahilanang ito ang tuwirang pamahalaan na nilalapitan ng mamamayan. Ang halal na opisyal ng barangay ang nag-uugnay kay Mang Juan at sa opisyal ng pamahalaan na nagbababa ng serbisyong bayan. Ang ugnayang ito’y tunay na madarama sa paglapit ng serbisyo sa bayan na tuwirang pakinabang sa buwis na binabayad ng mamamayan. Ang maayos na pamahalaang pambarangay ang barometro ng serbisyo ng pambansang pamahalaan bilang maliit at tuwirang pamahalaan. Hindi minamaliit ang pwestong tangan na bigay ni Mang Juan sa mga tatao sa pamahalaan pambarangay na ibig maglingkod. Ang pagpapaabot ng mga nais na serbisyo o hinaing sa pambansang pamahalaan na ‘di kailangang magmamartsa’y magagawa sa antas ng barangay sa pamamagitan ng mga resolusyon. Ang akdang resolusyon ang siyang ipaabot sa konseho ng siyudad o bayan o maging sa kongreso. Ang paggamit ng mga tamang paraan at pagtugon sa mga idinulog na hinaing sa pamamagitan ng konseho ng barangay ang nagsasabing buhay ang demokrasya sa bansa.

Natatangi ang halalang pambarangay sa bansa sa pagbibigay sa mamamayan na pumili ng lider na tuwirang malalapitan at tutulong. Ang pagkakaroon ng halalan ang pusod ng demokrasya na nasa balikat ng mamamayan. At ang pagpili ng mga lider na walang kinikilingan ang siyang ganda ng halalan pambarangay na makikita lang sa bansa. Dahil karaniwan ang mga lider na nahahalal sa barangay’ ito din ang karaniwang takbuhan ng mga nasa laylayan. Hindi ramdam ang ang pagiging mapili sa tinutulungan ang Kapitan de Barangay dahil likas ito sa pagkatao. Masasabi bang ganun pa rin sa ngayon?



Sa nasilip na galaw ng pulitika sa kasalukuyan, hindi na masasabing pareho ang kaayusan ng pulitika sa antas ng barangay. Malayo ang kaayusan na hinahanap ang serbisyo na ibinibigay ng mga Kapitan del Baryo noong una kontra sa kasalukuyan. Marami sa mga lider ng barangay ngayo’y tila may utang na loob sa mga Mayor o Kongresman na siyang pinakikinggan higit sa mga programang nais. Ang mga nasabing opisyal ang nagsasabi ng kung anong programa ang dapat na gawin o ibaba sa antas ng barangay. Ang masakit nito sa bawat programang dala naroon na nakabalandra sa mga tarpaulin ang pangalan ng politiko. Tanong, para saan na kailangang ipagmalaki ang proyektong dala na ‘di naman dama. Habang sunod sunuran si Kapitan saan man magtungo si Mayor o si Kongresman. Sa totoo lang, walang dalang programa ang mga Kapitan de Barangay dahil galing sa mga nabangit na opisyal programang ipinagmamalaki.

Sa isang umpukan, nariyan na maririnig na ang mga magsisitakbuhan sa darating na halalang pambarangay’ itinuturing manok ng opisyal na nabangit. Sa mga huling pagbaba ng serbisyo para kay Mang Juan, silip sa kilos ng mga tatakbo sa halalan pambarangay ang pangalan ng mga opisyal. Nariyan ang bigayan ng mga ticket para sa bigas at kung anu-ano pa, na naroon ang ngalan ng tatakbo ngunit malaki ang larawan kung sino ang nagpinansya ng ipamimigay na ayuda. Tila isang proxy elections ang nagaganap dahil ang mga hinaharap noong ’22, higit ang mga tauhan nito ang siyang kasa-kasama ng mga nag-aambisyon sa pwesto sa barangay. Tunay na nagbibilangan ang mga dating magkakatungali ng ihahalal na lider sa baba na magagamit sa ’25. At wala ng sariling diskarte ang mga kakandidato sa barangay dahil sa porma ng halalan, ang bilihan.



Sa totoo lang, maraming isyu ang dapat maging malinaw sa darating na halalan. Nahan napupunta ang mga pondong ibinababa sa barangay gayung hindi makita ang sariling proyekto ng pamahalaang pambarangay. Sa totoo lang, hindi masilip kung saan napupunta ang pondo ng barangay na nakalaan para sa pakinabang ni Mang Juan. Marami sa mga proyektong nagsusulputan ay may pangalan ng politikong magaling mag papogi. At maririnig na may mga empleyado ang barangay higit ang siyang bumibili ng sariling uniporme sa halip na ibigay ng libre dahil inilalaan ito ng budget. Tama ba Ginoong Kalihim ng DILG? Pangalawa, nariyan ang usapin kung sino ang may tangan ng kapulisan na gumagalaw sa antas ng barangay? Nariyan na nagkakaroon ng pamimili ang nasa barangay sa kung sino ang dapat puntahan kung may mga aberya o usapin. Tila hindi nagagalaw ang malapit sa opisyal ng barangay lalo’t malaki ang bilang ng pamilya kahit may reklamo sa mga ito? Pangatlo, sino ang aalam sa anomalyang ‘di batid dahil sa walang tuwirang nag-audit sa antas ng barangay?

Panghuli, nais pukawin ang antas ng COMELEC na alamin ang nagaganap na mga bigayan sa antas ng barangay gamit ang pondo ng mga politiko ng siyudad o bayan. Tulad ng bangit, tila isang proxy election ang magaganap sa darating na halalan kung saan lantaran ang pagdadala ng ngalan ng mga politiko na nagharap sa nakaraan. Wala aamin sa mga ito’ ngunit napakalakas ng ugong kung sino ang mga personalidad sa likod ng mga tumatakbo sa halalang pambarangay. Maaaring ito’y kaganapan sa ilang barangay sa bansa ngunit ang barangay ang micro-unit ng pamahalaang Pambansa. Ang masigurong walang kamay ang mga opisyal na kasalukuyang nakaupo sa pamahalaan ang masisiguro na ‘di magkakaroon ng dayaan at magiging malinis ang halalang pambarangay sa Oktubre.



Maraming salamat po!!!