Vince at Katips bonggang panalo sa Star Awards for Movies; Direk Chito napaiyak nang i-present ng Sreetboys ang Lifetime Achievement Award
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA katatapos lang na 38th PMPC Star Awards For Movies na ginanap noong Sunday, July 16 sa Manila Hotel, big winner ang pelikulang Katips na sinulat at dinirek ni Vince Tanada.
Nakakuha ito ng apat na major awards at dalawang technical awards.
Dahil sa ganda ng Katips kaya ito ang tinanghal na Indie Movie of the Year, at si Direk Vince ang wagi bilang Indie Movie Director of the Year, dahil sa husay na pagkakadirek niya ng naturang pelikula.
Bukod pa rito, sa kanya rin ibinigay ng PMPC ang award bilang Movie Actor of the Year.
Lutang na lutang naman kasi ang akting ni Direk Vince sa halos lahat ng kanyang eksena sa Katips, lalo na sa kanyang break down scene.
Si Johnrey Rivas naman ang nag-uwi ng tropeo bilang Movie Supporting Actor of the Year.
Deserved ni Johnrey ang award, dahil gaya ni Direk Vince, hindi rin matatawaran ang akting na ipinamalas niya sa Katips, lalo na sa kanyang torture scene.
Bukod sa apat na major awards, ang cast of Katips din ang hinirang na Indie Movie Ensemble Acting of the Year. At si Pipo Cifra ang nag-uwi ng karangalan bilang Indie Musical Scorer of the Year.
Present sa awards night sina Direk Vince, John Rey, at ang iba pang cast ng Katips, kaya personal nilang natanggap ang kanilang awards.
Sa lahat ng bumubuo ng pelikula especially Direk Vince and John Rey, our congratulations.
***
TUNGKOL pa rin sa 38th PMPC Star Awards For Movies, binigyan ng special award sina Helen Gamboa bilang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award at Direk Chito Rono bilang Ulirang Alagad ng Prlikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award.
Ang naging presenter ng award ng beteranang aktres ay ang anak niyang si MTRCB Chairwoman Lala Sotto.
Sa acceptance speech ni Miss Helen, hindi niya napigilan ang mapaiyak.Tears of joy dahil sa pagkilala sa kanya ng PMPC bilang isang ulirang artista.
Si Direk Chito ay hindi rin napigilang mapaiyak sa kanyang acceptance speech.
Hindi niya kasi akalain na ang naging presenters ng award niya ay ang mga alaga niyang matagal ng hindi nakikita, ang Streetboys, sa pangunguna nina Vhong Navarro at Jhong Hilario. Hindi sinabi sa kanya ng PMPC na ang Streetboys ang magpi-present ng award para sa kanya.
Kaya nasorpresa talaga ang award-winning director.
Sabi nga niya, ang PMPC lang ang nakapagbuo ng Streetboys sa anumang event after many years.