Advertisers
INIHAYAG ng Bureau of Corrections (BuCor) ang medium at long term na mga programa nito para maibsan ang decongestion na kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa iba’t-ibang prison at penal farm sa buong bansa.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na sa ilalim ng kanilang medium term program, kabuuang P205 bilyon ang kailangan para ganap na maipatupad ang kanilang development at modernization program para sa 2023 hanggang 2028.
Kasama sa programang ito ang pagtatayo at rehabilitasyon ng kasalukuyang nag-ooperate na bilangguan at mga penal farm. Ang mga ito ay Iwahig Prison at Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan; Sablayan Prison at Penal Farm sa Occidental Mindoro; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte; at ang Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province.
Nagkaroon ng pagtaas sa kabuuang halagang kailangan mula sa naunang naiulat na P77.7 bilyon dahil may mga karagdagang pasilidad na kasama sa programa tulad ng quarter para sa mga tauhan ng BuCor at mga pasilidad para sa mga babaeng PDL.
Ipatutupad din nila ang BuCor land utilization, control and management sa ilalim ng programang ito alinsunod sa Republic Act 10575 o mas kilala bilang Bureau of Corrections Act of 2013 kung saan ang mga lupain ng mga kulungan ay dating naibigay sa mga Local Government Units o LGU ngunit inabandona o hindi binuo ng higit sa limang taon mula nang ibinigay ang mga ito, ay babalik sa bureau para isama sa mga plano nito at regular na mga programa upang palawakin at gamitin bilang penal agricultural, industrial at commercial production farm.
Ayon kay Catapang, bukod dito ay gagawing BuCor Global City ang isang bahagi ng New Bilibid Prison (NBP) Reservation bilang pagkukunan ng pondo para sa kanilang development at modernization plan at para simulan ang kanilang long term program na mangangailangan ng P400 bilyon. .
Kasama sa long term program sa ilalim ng regionalization at heinous crime facilities para sa BuCor ay ang pagtatayo ng 16 na pasilidad sa rehiyon, isang pasilidad para sa lalaki at isa para sa babae para sa bawat rehiyon maliban sa NCR at mga pagtatayo ng mga pasilidad ng karumal-dumal na krimen sa Fort Magsaysay Military. Reservation sa Palawan City, Nueva Ecija para sa Luzon, Camp Macario B. Palta sa Jamindan, Capiz para sa Visayas at Camp Kibaritan, Kalimantan sa Bukidnon para sa Mindanao, paliwanag ni Catapang.
Ang plano ay muling i-configure ang mga pasilidad ng bilangguan upang tumanggap lamang ng 2,500 PDL bawat pasilidad.
Habang naghihintay ng kinakailangang pondo para sa medium at long term programs, sinabi ni Catapang na kasalukuyang nagpapatupad siya ng short term solution para ma-decongest ang national penitentiary tulad ng paglilipat ng mga PDL mula sa NBP sa hindi gaanong masikip na operating prison at penal farms sa labas ng Metro Manila. Hindi bababa sa 500 PDLs ang nailipat na sa Iwahig Prison at Penal Farm sa Puerto Princess, Palawan habang nasa 7,000 pa ang ililipat sa batch ngayong taon sa Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province at Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental, Mindoro.
Idinagdag din ni Catapang na ipatutupad din nila ang operasyong “Bilis Laya” para mapabilis ang pagproseso ng mga PDL na nakatakdang ilabas bilang bahagi ng layuning binaybay ni Justice Secretary Crispin Remulla na mabigyan sila ng ‘real justice in real time’. (JOJO SADIWA)