Advertisers
TAPOS na tayo sa International Criminal Court (ICC).
Ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pahayag nitong Biyernes bilang reaksyon sa hakbang ng ICC na ituloy ang imbestigasyon ng mga prosecutors nito sa kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga.
Binanggit ni Marcos na tinanggihan ng ICC ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng imbestigasyon.
“Ayan yun. Wala kaming nakabinbing apela. Wala na tayong aksyong ginagawa. So, I suppose that puts an end to our dealings with the ICC,” sabi ni Marcos.
“Kaya, patuloy nating ipinagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas at patuloy na kinu-kuwestiyon ang hurisdiksyon ng ICC sa kanilang mga imbesti-gasyon dito sa Pilipi-nas,” dagdag niya.
Sa panayam sa sideline ng inagurasyon ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP) sa Zamboanga Peninsula, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng ICC sa bansa.
Binigyang-diin ni Marcos na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil pinutol na nito ang ugnayan nito sa tribunal noong 17 Marso 2019, isang taon matapos ipag-utos ni Duterte na wakasan ng Pilipinas ang Rome Statute na lumikha ng ICC habang ipinagpatuloy ni dating prosecutor Fatou Bensouda ang preliminary examina- tion.
“Pilipino ang pinag-uusapan nila (ICC prosecutors). Dito sa Pilipinas ang mga sinasabi nilang krimen; ang mga biktima ay Pilipino; bakit mapupunta sa The Hague? Kaya’t dito dapat,” sabi pa ni Pangulong Marcos.
“Basta tapos na lahat ng ating pag-uusap sa ICC. Kagaya ng sinasabi namin mula sa simula, we will not cooperate with them in any way, or form,” binigyan diin pa niya.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa ICC ay natapos na sa rendition of judgment ng ICC Appeals Chambers.
Sa halip, tututukan aniya ng Pilipinas ang sarili nitong imbestigasyon at pag-uusig sa mga krimen na may kaugna-yan sa kampanya laban sa droga. (Vanz Fernandez)