Advertisers
SA totoo lang dear readers, kahanga-hanga ang China na sa loob lamang ng ilang dekada mula noong 1970s ay kaybilis ng igpaw at mula sa sistemang komunista, ito ay nagbanyuhay upang maging bagong sosyalista-kapitalista ang gobyerno.
Mula nang buksan ang iron curtain policy nito sa panahon ng Deng Xiaoping, nakita ang patuloy na pag-imbulog ng Beijing at ngayon ay isang superpower.
Inakala natin, magpapatuloy ang magandang mukha ng China na inumpisahan ni Deng Xiaoping pero biglang-liko ang polisiya ngayon ni President Xi Jinping na malinaw na makikita sa patalikod na trato nito sa “kaibigang Filipinas.”
Unang nakita ang bagsik ng kamay ng Beijing sa naganap na Tiananmen Square massacre noong Hunyo 1989 nang magprotesta ang mahigit na sanmilyong estudyante na sinamahan ng mga mamamayan laban sa malupit na martial law na ibinagsak ng diktador na pamamahala ng Communist Party of China (CPP).
Nagkukunwaring demokratiko, pero malupit magpatupad ang komite sentral ng CPP na libo-libo ang pinatay nang hindi mapigil ang hiling na kalayaan sa asemblea, pagsasalita at kalayaang magpahayag ng damdamin kontra sa inaakalang mali sa gobyerno.
Kung malupit sa kadugong Chino ang CPP na handang pumatay para sa komunistang rehimen, ano ang maaasahan nating Filipino na sa kabila ng ating matapat na pakikipagkaibigan at pakikitungo, patuloy ang tratong kaaway sa atin, na malinaw sa mahigit na apat na raang insidente ng pagdadarag sa atin, kaugnay ng ating claim sa West Philippine Sea.
Hindi nagkasya sa pagbalewala sa ating panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague (PCA) na nagbabalewala sa inaangking teritoryo sa WPS (o South China Sea), una rito ay ang pagtatayo ng malakas na base militar sa maraming isla sa Spratleys, Ayundin Shoal at iba pang bahura na tiniyak ng arbitration court na nasasakop ng ating soberenya at exclusive economic zone (EEZ).
Yung kasunduang hahayaang mamahala sa sarili niya ang gobyerno ng Hong Kong ay binabalewala na ng China at ngayon, ang bantang pagsakop sa Taiwan ay hindi maikakaila na patunay na isang banta sa Filipinas at sa buong mundo ang Beijing.
***
Hindi lang sa free navigation sa WPS ang peligrong dala ng China na hindi pa natutuldukan ang hinala ng marami tungkol sa kung totoo ba na ang COVID-19 virus ay “isinilang” sa kanilang laboratoryo.
At nang ito ay kuwestiyunin ng isang opisyal ng Australia, ano ang ganti ng China?
Marahas ang ginawa nito upang pilayin ang ekonomya ng Australia: pinigil at binawasan ang importasyon ng karneng baka, wine, uling, barley at ilan pang produkto – na kailangan sa araw-araw na kailangan sa buhay ng bilyong mamamayan ng China.
Isang malupit na bullying ito, isang marahas na pandadarag sa kalapit bansa.
Kung ang malakas na bansang Australia ay hindi kinatatakutang boldyakin ng Beijing, tayo pa na maliit, walang puwersa sa digmaan ang di-kayang durugin ng China?
Mahirap paniwalaang nais lamang ng China na ibilang na probinsiya niya ang Taiwan – na sa totoo naman noon – pero ngayon, isa na itong nagsasariling bansa kahit hindi pormal na naidedeklarang kasapi ng United Nations bunga ng One China policy.
Paniwala ng marami, kaya nais sakupin ng China ang Taiwan dahil sa nais nitong makuha ang mahahalagang kaalaman sa teknolohiya, siyensiya, IT at iba pang yaman ng Taiwanese.
Alam natin, napakahusay ng teknolohiya sa semiconductors ang Taiwan lalo ngayon tayo ay nasa modernong digital economy.
Bukod sa numero uno sa paggawa ng de-kalidad na tuwerka at turnilyo (bolts and nuts), numero ang Taiwan sa paggawa ng sophisticated microchip sa buong mundo at isa ito sa nais makuha ng China, at paano ito makukuha?
Kung masasakop ang Taiwan, maaangkin nito ang Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC) at kung mangyayari ito, mahahawakan ng China ang kompanyang kaya gumawa ng pinamahusay na logic chips sa mundo!
May karugtong, subaybayan ang Part 2 sa sunod na kolum ng inyong lingkod.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.