Advertisers
DAHIL sa pinaiiral na nationwide “No Take Policy” ni Philippine National Police (PNP) Chief, Geneneral Benjamin Acorda Jr., maraming police commanders ang tumalima sa utos na ito sa takot na sila’y matanggal sa kanilang puwesto, pero di ‘kabilang ang dalawang hepe na ito sa lungsod ng Metro- Manila.
Sa Paranaque City, tila wala sa bokabolaryo at balewala kay City Police chief Colonel Reycon Garduque ang direktiba ni Gen. Acorda Jr. Dahil isang alyas “JOY” ang nakapagbukas ng kanyang ilegal na pasugal (lotteng) sa may kabuuang 16 barangays ng siyudad, matapos payagan ng isang mataas na city official kapalit ng lingguhang payola.
Sa ulat na natanggap ng SIKRETA, si alyas JOY ay nakapaglagay ng kanyang illegal lotteng sa siyudad ni Mayor Eric Olivarez dahil sa basbas ng isang maimpluwensyang tao na nagpapakilalang malapit sa Olivarez political clan, na ‘di lingid sa lahat ay dekada na ang pamumuno sa lungsod ng Paranaque.
Tatlong beses ang pagbobola ng lotteng ni alyas JOY – tanghali, hapon at gabi – na isinasabay sa resulta ng bola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang pinagkukunan ng winning combinations mula sa milyong halaga ng bet money na nakolekta ng kanilang daan-daang kabo at kubrador.
Ang mga kubrador ni alyas Joy ay nagkalat sa mataong lugar ng mga palengke, mall, commercial center, paradahan ng jeep at tricycle ng 1st District.
Pasok din hanggang sa mga residential area at mga subdivision ang mga bet collector ni alyas JOY na suma-sideline pang pusher ng shabu na pinaniniwalaang kinakapitalan din ng salot na gambling operator.
Ang nakadidismaya, maging sa mga police station pati na sa city hall ay hindi rin pinalalagpas ng mga kolektor ni alyas JOY sa kanilang pangungubra ng taya sa lotteng.
Nakapagtataka naman na tahimik, tila walang alam, at ‘di kumikilos sina Mayor Olivarez at Col. Garduque para hulihin ang mga tauhan ni alyas JOY at iba pang sangkot sa lotteng operation ng kinikilalang “Drug/Gambling Queen” na lantad na lantad ang pamamayagpag ng operasyon sa Paranaque City.
Wa-epek kay Col. Garduque ang atas ni Gen. Acorda Jr., ganon din si Col. Jaime Santos, hepe ng pulisya ng Las Pinas City, dahil hindi inaaksyunan, nagbibingi-bingihan sa mga reklamo laban kay alyas ONIE, isang Filipino-Chinese mestizo na sikat na sikat din sa Las Pinas sa tawag na “ONIE NINONG.”
Kahit mukhang beho si alyas ONIE NINONG ay popular din ito sa mga opisyales at miyembro ng pulisya ng lungsod pagkat kapag may aksidenteng nasagasaan ang mga operatiba na mga kabo at kolektor ng lotteng ay agad na ipinanakot nito (ONIE NINONG) ang kanyang ninong na isang alias “Sammy” na bagyo naman ang lakas kay Mayor Mel Aguilar.
Si alyas Sammy, na ipinagmamalaking “pamato” ni alyas ONIE NINONG, ang nagbigay ng go-signal para makapagpatakbo ng kanyang lotteng si alyas ONIE NINONG na kilala pa sa alyas “Tsekwa Lugaw” na pinaniniwalaang sangkot din sa kalakaran ng droga hindi lamang sa siyudad ng Las Pinas kundi maging sa Paranaque City.
Tulad ni alyas JOY ng Paranaque, si alyas “ONIE NINONG” ay daan-daan din ang bilang ng mga kubrador na malimit na makita sa mga lugar tulad ng palengke, mall, commercial area, jeepney at tricycle terminal at maging sa mga construction site sa siyudad na ang puntiryang mananaya ay ang mga trabahador at empleyado ng mga kompanya na naging suki narin nilang bentahan ng shabu.
Protektor ni alyas “ONIE NINONG” si alyas Sammy na umaakto ring go-between contact sa pagitan ng ilang tiwaling city officials sa sandalling nagkaka-problema si alyas ONIE NINONG sa pulisya at sa city hall.
Kahit si Mayor Mel Aguilar ay walang magawa sa gusto ni alyas Sammy kaya masuwerte si alyas ONIE NINONG na napapakinabangan ang maimpluwesyang tao tulad ni alyas Sammy na sinasamba sa Las Pinas na parang HARI dahil lahat na ginugusto nito ay nasusunod, ayon sa isang city hall insider.
Pero kapalit naman ng tulong kay alyas ONIE NINONG ng kanyang “godfather” ay milyong lagay para maproteksyunan ang kanyang lotteng operation. Sina alyas JOY ng Paranaque at alyas ONIE NINONG ng Las Pinas ay well-organized ang lotteng at drug activity dahil nakuha din ng mga ito ang suporta ng isang nagngangalang Charlie.
Si Charlie ang tagapag-ugnay ng dalawang drug/gambling lord sa mga tanggapan ng Southern Police District (SPD) at National Capitol Region Police Office (NCRPO) at iba pang police unit tulad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para hind mabulabog ang lotteng at drug operation ng naturang mga gambling lord.
Nagpapakilala pang mensahero, taga-ayos at bagman ng SPD at NCRPO, ay nagyayabang pang siya ang nabigyan ng basbas para hindi pairalin ng pulisya sa Metro-Manila ang utos nina NCRPO Chief, BGen. Melencio Nartatez Jr.; at SPD Director, BGen. Roderick D. Mariano; ang “No Take Policy” kaya malayang nag-ooperate sina alyas JOY at alyas ONIE NINONG ng kanilang lotteng kapalit ng “weekly parating” sa SPD at NCRPO.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.