Advertisers
NASAWI ang apat katao na sakay ng isang truck na may kargang mga baboy nang salpukin ng isa pang truck sa Barangay Licomo, Zamboanga City, Martes ng umaga.
Ayon sa Zamboanga City Police Office, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang apat na biktima na sina Roseller Tomotong, Ariel Lipay, Bobong Magat at isang nakilala lamang sa pangalang Noli, na maghahatid sana ng mahigit 30 baboy sa isang negosyante sa Zamboanga City.
Sa pahayag ng mga saksi, nabundol ng truck na minamaneho ni Herbert Arcilla Dela Rosa ang likuran ng isang mas maliit na truck habang umaatras mula sa gilid ng highway sa Sitio Tigbao, Barangay Licomo.
Sa lakas ng pagkakabangga, napunta sa gilid ng highway ang truck na sinasakyan ng mga biktima at bumangga pa sa isang posteng bakal ng Zamboanga City Electric Cooperative.
Nagtamo ng mga sugat at mga pasa sa katawan si Dela Rosa habang minalas na nasawi ang apat na kasamahan. Nakaligtas naman ang driver ng isa pang truck na nasangkot sa aksidente na si Elowino Molina Lorenzo.
Ilan sa mga kargang baboy na lulan ng truck na minamaneho ni Dela Rosa ang tumilapon at bumagsak sa sementong highway at nangamatay.