Advertisers
PINABULAANAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga negatibong ulat hinggil sa pagkakasuspinde ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa kanyang pahayag bago tumulak patungong Riyadh, Saudi Arabia para dumalo sa First ASEAN-Gulf Cooperation Council (GCC) Summit, binigyang diin ng Pangulo na huwag sanang ipagkamaling magkaroon ng kaisipang kaya sinuspinde ang IRR ay dahil sa may mali sa MIF.
Sa katunayan, sinabi ni PBBM na sa katunayan ay patuloy ang paghahanap nila ng paraan para sa pagpapabuti ng MIF, partikular sa istraktura nito.
Sinabi ng Pangulo na naniniwala siya sa konsepto ng MIF bilang isang sovereign fund, isang pondo para sa pamumuhunan, at determinado ang pamahalaan na gawin itong operational sa pagtatapos ng taon.
Aniya, patuloy ding naghahanap ng paraan ang gobyerno upang maging perpekto at ideyal ang Maharlika sa abot ng kanilang makakaya.
Giit pa ng Pangulo, sumalang ito sa konsultasyon, hindi lamang sa mga economic managers, kundi maging sa iba pang mga tao at personalidad na tunay na magiging bahagi ng MIF kaya’t mahalaga ang kanilang kontribusyon dito. (Gilbert Perdez)