Advertisers

Advertisers

RADIO BROADCASTER TINODAS HABANG NAGPOPROGRAMA!

0 69

Advertisers

BINARIL-PATAY habang nagpoprograma ang isang radio broadcaster sa Barangay Don Bernarfo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Juan Jumalon Tumpag alyas “Johnny Walker”, 57 anyos, may asawa, residente ng P-2, Brgy. Don Bernarfo A. Neri ng naturang bayan.

Maliban sa pagiging broadcaster, empleyado rin si Johnny Walker ng water district ng LGU ng Calamba.



Batay sa spot report ng hepe ng Calamba Municipal Police Station sa pamamagitan ni Patrolman Eliver M. Quico, nangyari ang pamamaril kay Jumalon 5:35 ng umaga habang nagpoprograma ito sa kanyang radio station 94.7 Calamba Gold FM sa kanyang bahay.

Nabatid na isang hindi nakilalang lalaki ang dumating at may mahalagang nais daw ipaanunsiyo sa radio. Nang makapasok ito sa gate ng bahay, naglabas ng baril at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa bahagi ng kanyang labi, tumagos ang bala sa likuran ng ulo.



Bago tumakas, kinuha pa ng salarin ang suot na alahas ng biktima.

Nadala pa ng mga kaanak ang biktima sa Calamba District Hospital pero dineklarang dead on arrival.



Habang ginagawa ang balitang ito, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at puspusan ang manhunt operations laban sa gunman na tumakas sa hindi matukoy na direksyon.

Samantala, nanawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) na agarang i-activate ang ‘special investigation task group’ (SITG) para matukoy ang pumaslang sa broskaster.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez, sa video clip ng insidente na nag-viral, binaril si Jamalon ng dalawang beses at kinuha ng salarin ang kanyang gintong kwintas bago tumakas.

“Even as we extend our sympathy to the victim’s family and friends over this dastardly attack, we also call on the Negros Occidental Police Office to immediately constitute its SITG to investigate this incident and apprehend the suspect and others possibly involved in the interest of justice,” ayon pa kay Gutierrez.

Inalerto na rin ni Gutierrez ang National Bureau of Investigation (NBI) na bahagi rin ng PTFoMS na simulan na ang pangangalap ng ebidensya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon para mapabilis ang pagresolba nito.(Mark Obleada/Jocelyn Domenden, Koi Laura)