Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama…” (Mga Kawikaan 29:2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
BSKE: PATOTOO NA HINDI NA KAYA NG PINOY ANG MALINIS NA HALALAN: Kung may pinatunayan ang Barangay-Sangguniang Kabataaan 2023 elections sa Pilipinas at sa buong mundo, ito ay ang katotohanang, hindi na maasahan pa ang mga Pilipino na magkaroon ng malinis na halalan.
Sa mga kumandidato, naging kaugalian na talaga ng marami sa kanila ang mamigay ng pera upang mabili ang mga boto ng mga botante.
Sa mga botante naman, nasanay na silang magbenta ng kanilang mga boto, sa layuning makakuha sila ng kahit na konting pera man lamang, na maipantatawid ng gutom.
Sa ganitong sitwasyon, walang ma-a-asahang pag-unlad o pagbuti ng buhay ang sambayanan. Sa mga kandidatong namili ng boto upang nanalo, tiyak pangungurakot ang kanilang gagawin, upang mabawi ang perang ipinambili nila ng boto.
***
MGA NANALO SA BSKE NA BUMILI NG BOTO, MANGUNGURAKOT ULIT PARA SA SUSUNOD HALALAN: Ganundin, mangungurakot na sila ng husto sa panahon ng kanilang panunungkulan, upang makapag-ipon na sila, ngayon pa lamang, ng perang gagamitin na naman nilang pambili ng boto sa susunod na eleksiyon.
At hindi makakapag-reklamo ang mga botanteng nagbenta ng kanilang mga boto.
Dahil tiwali ang kanilang pagpili, at tumanggap sila ng suhol para iboto ang mga tiwaling kandidato na nagbayad sa kanila, magiging tikom ang kanilang mga bibig sa katiwaliang gagawin ng mga ibinoto nila.
Hanggang kelan kaya matututo ang sambayanan sa larangang ito ng buhay?
***
MGA NANALO SA BSKE, MAY BAHID-DUDA SA KANILANG TAGUMPAY: Maganda ang panawagan ng Pangulong Bongbong Marcos sa mga bagong halal na barangay at sangguniang kabataan officials.
Sabi niya, kailangang maging tapat ang mga opisyales na ito sa lahat ng pagkakataon, at unahin ang pagsisilbi sa kanilang mga nasasakupan.
Magkaganunman, may dalawang bagay na gusto nating liwanagin sa panawagang ito ng Pangulo.
Una, may kakayahan bang maging tapat ang mga nanalo sa kanilang paglilingkod kung may bahid duda na kaya sila nagtagumpay kasi nagbayad sila sa mga botante?
***
MARAMI SA MGA NANALO SA BSKE, DI NAKAKA-ALAM NG SALITA NG DIYOS? Ikalawa, makaka-asa ba ang mga barangay na magiging tapat sa paglilingkod ang mga nanalo, gayong maliwanag na wala silang alam sa mga turo ng Diyos?
Kung pag-aaralan nating mabuti, kaya katiwalian at korapsiyon ang namamayani kahit sa antas ng barangay, walang takot at pag-ibig sa Diyos ang mga nakaupo.
Sabagay, ang korapsiyon at katiwalian sa mga nakapuwesto sa gobyerno, mula sa ibaba hanggang sa taas, ay tunay na talamak, dahil ang tingin ng marami sa kanila, negosyong pagkakitaan ang gobyerno.
***
MGA TEACHERS, POSIBLENG DI NA GUMANAP SA MGA HALALAN SA PILIPINAS: Malamang sa hindi, wala ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang papapayag na manilbihan bilang mga poll workers sa mga susunod na halalan sa Pilipinas.
Lumitaw ang posibilidad na ito, matapos magpahayag ang Commission on Elections na wala palang dagdag na bayad na ibibigay sa mga guro na naglingkod sa mga presinto ng lagpas, sa kanilang regular na mga oras ng trabaho bilang mga guro.
Ayon kay Comelec Chairman Erwin Garcia, walang pera ang Comelec upang ipambayad sa mga guro na kinailangang mag-overtime work noong barangay at sangguniang kabataang elections.
***
PROTESTA VS. KAWALAN NG BAYAD SA MGA TEACHERS NA GUMANAP NG POLL DUTIES SA BSKE: Agad na nagprotesta ang maraming grupo sa sinabing ito ni Garcia.
Ipinagpipilitan ng Alliance of Concerned Teachers at Teachers Dignity Coalition na dahil nagtrabaho ang mga guro ng higit sa oras ng kanilang regular na trabaho, marapat lamang na sila ay mabayaran.
Sa pananaw ng iba pang mga grupo, palpak sina garcia at ang mga kasama niyang mga commissioners sa comelec dahil hindi nila pinaghandaan ang overtime pay.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): KAKAMPI MO ANG BATAS, ala una ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa Radyo Pilipino Luzon, Visayas, at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/radyopilipino, facebook.com/attybatas, facebook.com/philiplmauricio, at YouTube.com/ Kakampi Mo Ang Batas.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 2): AND KNK THE ONE’S CHANNEL, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 9 ng gabi, sa facebook.com/ANDKNK, facebook.com/Ang Tanging Daan, facebook.com/attybatas, YouTube.com/AND KNK.