Advertisers

Advertisers

MPD PS-14 anti-drugs sinibak sa ‘hulidap’

0 43

Advertisers

INALIS ora mismo ni Lt. Colonel Brillante Billaoc, hepe ng Manila Police District Stn. 14 (Barbosa, Quiapo), ang lahat ng miyembro ng kanyang anti-drugs dahil sa ipinost nating video ng panghuhuli kuno sa drug suspects sa Tondo 1, sakop ng MPD-PS2, Martes ng hapon, kungsaan binangketa lamang ang 2 babaeng binitbit sa kanilang himpilan.

Galit na galit daw si Lt. Col. Billaoc sa mga taga-anti drugs nang mapanood ang video, kaagad pinatawag ang naturang mga pulis, dinis-armahan at inalis sa puwesto kasama ang hepe ng anti-drugs unit.

Good action, Lt. Col. Billaoc. Mabuhay ka, Sir!



Bago ito, lumapit sa akin ang isa sa dalawang babaeng maghipag na binitbit ng naturang mga pulis.

Aniya, pinasok ang bahay nila ng mga nakasibilyang pulis na naka-facemask bandang 4:00 ng hapon ng Martes (Nob. 7, 2023), hinalughog ang kanilang kuwarto, walang nakuhang anuman, at pagkatapos ng halos isang oras ay binitbit sila sa police station sa Barbosa, Quiapo. Pero hindi sila ipinasok sa himpilan kundi dinala dinala sila sa isang kuwarto sa 2nd floor ng isang bahay na nasa harap mismo ng police station.



Ayon sa isang biktima, hiningian siya ng P15K at yung hipag niya na siyang target ng mga pulis ay hiningan ng P30K. Pero dahil matagal silang makalikom ng ganung halaga, inabot sila ng 8pm bago pinauwi ng walang anumang kaso.

Sa kuha ng CCTV ng isang barangay sa Tondo 1, sakop ng MPD-PS 2 (Moriones), kita ang pagdating ng anim na nakasibilyang pulis bandang 4:00 ng hapon, tapos pumasok sa isang bahay, kungsaan tumagal ng halos isang oras. Paglabas bitbit ang dalawang babae.



Nag-operate ang naturang mga pulis nang walang koordinasyon sa MPD-PS 2 maging sa mga opisyal ng barangay. Nanghalughog ng bahay ng walang search warrant, nagbitbit ng 2 babae ng walang arrest warrant o anumang kasong kinakaharap ang mga biktima, na dinala sa presinto at pinigil ng higit apat na oras tapos hindi kinasuhan kundi hiningan lamang ng pera.

Ang mga pulis na iligal na pumasok o nag-trespass sa bahay nang walang bitbit na anumang dokumento para sa operasyon ay kinilalang sina Yambao, San Diego, Montero, Villareal, Serviano at Atienza.

Sa kabilang banda, sinabi ni Major Philip Ines na ang ginawang panghuhuli ng mga naturang pulis ng MPD-PS 14 sa erya ng MPD-PS 2 ay followup lamang sa pagkahuli sa dalawang tulak nahulihan umano ng nasa P1 milyong halaga ng shabu, at inginuso ang 2 babaeng binitbit sa MPD-PS14

Pero, ayon sa isa sa mga babae, hindi pa sila nagkaroon ng kaso at hindi pa sila nahuli partikular sa droga.

Sa impormasyon namang nakarating sa akin, ang target ng panghuhuli ng naturang mga pulis ay yung hipag. Naka-estafa raw ito ng “patinda” ng pulis. Hindi raw nabayaran ang “item” kaya dinampot ito para pagbayarin. At nadamay lamang yung kapatid (babae) ng kanyang yumaong mister na may-ari ng bahay. Hindi naman daw nakatira dun ang hipag. Napapunta lang doon kungsaan ito pinasok ng mga pulis sa bahay.

Anyway, pinupuri natin si Col. Billaoc sa kanyang aksiyon.