Advertisers
SI Pasig City Mayor Vico Sotto ang kailangan ng Pilipinas para malunasan ang malalang cancer ng korapsyon sa Pilipinas.
Kaso hindi pa siya puede sa sunod na presidential election dahil sa kanyang murang edad. 34 palang siya ngayon, ibig sabihin ay 39 anyos lang siya sa 2028 presidential derby. Ang hinihingi ng ating Saligang Batas para sa mga kakandidato sa pagka-pangulo ng bansa ay 40 anyos.
Sinabi kong si Vico ang kailangan ng bansa ay dahil sa kanyang matibay na mga paninindigan laban sa katiwalian.
Sa ikalawang termino niya bilang alkalde ng isa sa pinakamayamang lungsod sa National Capital Region (NCR), halos nalinis na ni Vico ang katiwalian sa local govt. ng Pasig City. Lahat ng budget ng mga proyekto sa lungsod ay ipinapaalam niya sa kanyang mamamayan, at idinadaan sa tamang proseso ng bidding.
At ang matindi kay Vico, ang mga nababalitaan niyang gumagawa ng katiwalian tulad ng pangingikil ay kanyang pinapahuli kahit siya pa ang nagrekomenda at kaibigan niya ang tao. Oo! Walang kai-kaibigan kay Vico Sotto, sabi ng source ko sa Pasig City Hall. Pero kung nasa tama ang tao, full support daw ito hanggang husgado.
Nitong nakalipas na barangay at sangguniang kabataan elections, hindi raw nakialam si Vico. Hindi katulad ng ibang alkalde na may mga kandidato sa bawat barangay para magamit sa politika. Oo! Iginalang ni Vico ang pagiging non-partisan ng barangay. Pinaalalahanan lang niya ang kanyang constituents na huwag ihalal ang mga kandidato na gumagastos ng todo sa kampanya dahil ito raw ay hindi gagawa ng maganda ‘pag nakaupo na.
Nitong 2023 local/national elections, sa kanyang ikalawang pagtakbo bilang alkalde, hindi siya nagpaskil ng mga tarpaulin sa kanyang kandidatura. Ang kanyang performance sa kanyang unang termino (2019) ang kanyang kinapital para manalo uli ng landslide.
Kahit panahon ng kapaskuhan ay hindi siya nagpalagay ng magagarbong palamuti tulad ng christmas lights sa kanilang lungsod partikular sa City Hall. Sayang daw ang pera ng taumbayan. Bagkus ay ibinili nalang nila ng groceries para sa constitutents ang budget. Lahat ay pinagkalooban, mahirap man o mayaman, dahil pare-pareho raw itong mga nagbabayad ng buwis.
Noong 2021, Si Vico, sa kanyang unang termino palang bilang alkalde, ay kinilala ng Estados Unidos bilang isa sa 12 recipients ng International Anticorruption Champions Award sa kanyang pagsisikap na labanan ang katiwalian.
Kung si Vico Sotto siguro ang maging presidente ng Pilipinas, malamang maraming makukulong na magnanakaw sa gobyerno. Pero sa 3034 pa siya puwede. Sayang!
***
Todo depensa ngayon ang kampo ni dating Pangulo Rody Duterte para hindi makalusot sa Kongreso ang hirit ng ilang mambabatas na payagan at makipag-coordinate ang gobyerno ng Pilipinas sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa nangyaring patayan kaugnay ng ‘war on drugs’ ng nakaraang Duterte administration.
Naninimbang naman si Pres. BBM sa isyu. Subaybayan!