Advertisers
INANGKIN ng Philippine Canoe-Kayak team ang pangkalahatang kampeonato sa napagwagihang 21 medalya kabilang ang 10 ginto sa Asian Cup Canoe Championship nitong weekend sa Shing Mun River, Shatin sa HongKong.
Ang tandem nina Lealyn Baligasa at Kimly Adie Balboa ang nagpasigla sa kampanya ng Pinoy, ngunit si Joanna Barca ang nagningning sa 10-man Philippine crew sa nakubrang tatlong individual event gold sa tatlong araw na kumpetisyon na inorganisa ng HongKong China Canoe Union.
Nakuha ni Barca, ipinagmamalaki ng Palo, Leyte, ang tagumoay sa Women’s U23 C1 500-meter, 200-meter at 23km marathon events para tanghaling ‘most outstanding athlete’.
Tinapos ng 19-anyos na si Barca ang 500m race sa loob ng dalawang minuto at 44.63 bago nakuha ang 200m sa loob ng isang minuto at 7.83 segundo na tinalo ang kanyang mga karibal mula sa General Association of Macau Canoeing. Nakumpleto niya ang sweep sa kanyang event nang pangunahan ang marathon 23km event sa oras na 2:47.10.
Sinimulan nina Baligasa,22, mula sa Tubalan, Malita Davao Occidental at Balboa, 18, mula sa San Miguel, Leyte ang impresibong ratsada ng Pinoy nang dominahin nila ang unang event na nakataya (1000m) sa bilis na limang minuto at 31.83 segundo laban sa pares ng host team.
Hindi nila nakuha ang kanilang ikalawang gintong pagtatangka na pumangalawa sa Taipei duo (2:11.29) sa Open K2-500m na nagtala ng 2:29.46 bago ang Hongkong (3:35.29).
“We’re very proud and happy sa campaign ng team. Mga bata at experience ang kompisyon ng ating team. Kailangan nila ang exposure na tulad nito, kaya doble ang pasalamat namin sa Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at sa mga private friends naming na sumusuporta at tumutulong sa amin,” sambit ni Philippine Canoe-Kayak and DragonBoat Federation (PCKDF) president Leonora ‘Len ‘ Escollante.
Noong nakaraang linggo sa Puerto Princesa, Palawan, nangibabaw ang PCKDF paddlers at nasungkit ang kabuuang titulo na may apat na gintong medalya sa International Dragon Boat Championships.