Advertisers
Kumpiyansa si Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan na dadami ang produksyon ng bigas sa bansa sa tulong ng mga programa ng gobyerno sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon na inaasahang magtatagal hanggang sa unang semestre ng taon.
Para sa 2024, sinabi ni Yamsuan na naglaan ang Kongreso ng P30.889 bilyon sa National Rice Program (NRP) ng Department of Agriculture (DA), mas mataas sa P30.296 bilyon na nakalaan sa programa noong 2023.
Ayon kay Yamsuan ito ay bukod pa sa alokasyon sa ibang programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka ng bigas.
Sinabi ni Yamsuan na ang irrigation network services sa ilalim ng NRP ay tumaas ng 40% o mula P721.25 milyon noong 2023 ay ginawang P1.01 bilyon ngayong 2024.
Ang production support services ng NRP ay umakyat naman sa P24.11 bilyon mula sa P22.87 bilyon. Kasama rito ang pagtatayo ng mga community seed bank, suporta sa Regional Integrated Agricultural Research Centers, buffer seed stocking, insurance coverage para sa disaster response, at pest control measures, ayon sa solon.
Sinabi ni Yamsuan na itinaas din ang pondo para sa extension support, education and training services sa ilalim ng NRP na pinaglaanan ng P2.04 bilyon. Noong nakaraang taon ang pondo rito ay P1.26 bilyon.
Ang mga maliliit na magsasaka ay makatatanggap din ng mahigit P15 bilyong ayuda mula sa nakolektang buwis sa imported na bigas.
Sinabi ni Yamsuan na ang lagpas sa P10 bilyong koleksyon sa buwis ng imported na bigas sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay ibibigay na ayuda sa mga magsasaka na ang sinasaka ay hindi lalagpas sa dalawang hektarya.
Ang P10 bilyong RCEF fund ay mapupunta sa Philippine Center for Postharvest and Mechanization, Philippine Rice Research Institute, credit facility para sa mga magsasaka at kooperatiba, at paglikha ng mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka.
Sa ilalim ng Cash Assistance for Filipino Farmers Act (Republic Act 11598), ang sobra sa nakolektang P10 bilyong RCEF ay ibibigay na cash assistance sa mga magsasaka.
Noong Nobyembre 2023, iniulat ng Bureau of Customs na nakakolekta na ito ng P25.55 bilyon mula sa buwis sa imported na bigas.
“We are confident that not only the agriculture department, but other agencies across all other concerned sectors would be fully prepared for this prolonged dry spell to ensure that our rice farmers get all the support they need to continue improving their productivity and incomes amid this challenge,” sabi ni Yamsuan.
Isinusulong ni Yamsuan ang iba’t ibang panukala sa Kamara para matulungan ang mga magsasaka at maparami ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Kasama rito ang panukalang Climate-Resilient Agriculture Act (House Bill 9129) na naglalayong gumawa ng crop climate calendar para sa bawat lokalidad upang matulungan ang mga magsasaka na makasunod sa nagiging pagbabago ng panahon.