Advertisers
BINUKSAN ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang kanilang satellite office sa Robinsons Mall upang mapabilis at maging komportable ang mga negosyante sa pag-aasikaso sa pagkuha o pagrenew ng permit sa kanilang mga negosyo.
Hinikayat ni BPLO Chief Jesus Wilfredo D. Gaerlan ang mga negosyanteng Las Piñeros na agad asikasuhin ang kanilang pagkuha o pagrenew ng permit at pumunta ng mas maaga upang hindi abutin ng ‘rush hour’ o deadline at hindi madelay ang pagkuha ng business permit.
Ayon pa kay Gaerlan, binuksan ang satellite office sa naturang mall nitong Enero 2 hanggang Enero 22 mula alas-9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Maaaring magtungo sa tanggapan ng BPLO sa city hall o sa satellite office nito sa Robinsons Mall Las Pin~as at dalhin ang kumpletong kinakailangang mga dokumento para sa mas maayos at mabilis na proseso.
Sa mga representative o kinatawan ng business owners ay marapat lamang na magdala ng authorization letter.
Samantala para sa renewals, kailangan ang financial statements mula sa nakalipas na dalawang taon, VAT returns sa nakaraang taon, homeowners clearance, at dating permit.
Ang mga bagong aplikante ay dapat na magprisinta ng DTI o SEC Certifications, contract of lease kung nangungupahan at homeowners clearance.
Ang inisyatibong ito ng Pamahalaang Lungsod ay sa pangunguna nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar na naglalayung maghandog ng lalong business-friendly environment at mabawasan ang karaniwang dagsaan ng mga negosyante. (JOJO SADIWA)