Advertisers
SA halip na tuloy-tuloy ang serbisyo sa mamamayan ay kaliwat-kanan ang umano’y ginagawang panlilinlang ng Makati kaya’t bilang tugon sa sagot ng Taguig sa pagdadahilang isinara nila ang health centers sa EMBO barangays dahil expired na daw ang mga licenses to operate (LTOs) ng mga ito, pinanindigan ng Makati na may LTOs ang health centers na itinayo nila sapagkat nagbibigay daw ang mga ito ng diagnostic services. Tinuyà ng Makati na hindi daw alam ng Taguig kung ano ang LTOs sapagkat malamang ay konsultasyon lamang ang ibinibigay ng mga health centers nito.
Sa ganitong mga baluktot na pagdadahilan ay mahihinuha kung bakit natalo ang Makati sa Korte Suprema at nawala sa kanya ang 10 barangay at mahigit kalahati ng kanyang populasyon.
Sa naunang tugon ng Taguig, ipinaliwanag nito na kailangan lamang ang LTO kung ang health center ay nasa kategoryang ‘primary care facility’. Iisa lamang (ang Pitogo Health Center) ang rehistradong primary care facility sa EMBO at ang lisensiya nito ay may bisa ng tatlong (3) taon. Hindi ito direktang itinanggi ng Makati, na nangangahulugang totoo ang pahayag ng Taguig.
Mapapansin din na sa unang anunsyo ng Makati, binanggit ng Makati na bagaman wala ng bisa ang yellow cards ng mga residente ng EMBO, “bukas pa rin ang aming health centers para magbigay ng libreng konsultasyon hanggang makapagbukas ang Taguig ng kanilang sariling health centers”. Ibig sabihin, alam ng Makati na hindi kailangan ng LTO para ipagpatuloy ang operasyon ng health centers sa EMBO. Nang magbago ang isip ng Makati, ginawang alibi nito ang di-umano’y pag-expire ng LTOs.
Tatlo (3) lamang sa walong health centers sa EMBO ang may laboratoryo na nagbibigay ng diagnostic services. Kung gusto talaga ng Makati na ituloy ang serbisyo, pwedeng panatilihing bukas ang 8 health centers kahit walang laboratoryo o diagnostic services sa 3. Kung gusto talaga ng Makati na ituloy ang laboratoryo o diagnostic services sa 3 health centers, dapat ni-renew nila ang lisensya ng mga ito. Ang sinasabing sulat ng DOH sa Taguig noong Nobyembre 21, 2023 ay request para sa pag-proseso ng business permit, mayor’s permit, sanitary permit at iba pang requirements ng mga health facilities na kumukuha ng renewal ng LTO sa DOH. Hindi ito request o paalala na Taguig dapat ang mag-renew ng LTO ng 3 laboratoryo sa EMBO.
Samakatuwid, wala naman talagang matinong katwiran upang ipinid ang serbisyo ng health centers sa mga residente ng EMBOs. Kapritso lamang ng pamunuan ng Makati na gipitin ang mga residente ng EMBOs, isang kakatwang pagtrato sa mga mamamayang iniyakan pa ng kanilang dating alkalde habang nangangakong hindi sila iiwan matapos maging pinál ang desisyon ng Korte Suprema na ang ibukod na ang EMBOs sa Makati.
Ang tunay na dahilan ng Makati sa pagpapasara ng health centers ay ang pagtanggi ng Taguig na ibigay sa kanila ang pagmamay-ari ng mga pasilidad at ng lupang kinatitirikan nito. Ang posisyon ng Taguig, na kinakatigan ng Kagawaran ng Kalusugan(DOH), ay isantabi ang usapín sa pagmamay-ari ( at gawing hiwalay na isyu na idudulog sa mga korte) at ilipat na ang pamamahala ng health centers sa Taguig. Bakit kailangang isara ng Makati ang health centers at hayaang mabulok na lamang, sa halip na patuloy na mapakinabangan ng mga tao? Hindi naman isinusuko ng Makati ang kanilang sariling pag-aangkin sa pagmamamay-ari ng mga ito, at lalong hindi maglalaho ang health centers habang pinagagagamit sa taumbayan sa pamamahala ng Taguig. Ito ang bagay na hindi sinasagot ng Makati, sapagkat wala silang matinong katwiran.
Kung tutuusin, hindi konsistent ang Makati sa kanilang ganitong postura. Sa isyu ng mga pampublikong paaaralan sa EMBOs, pumayag ang Makati na isantabi ang isyu ng pagmamay-ari ng mga eskuwelahan at ng lupang kinatitirikan ng mga ito upang manatiling bukás ang mga paaralan sa pamamahala na ng Dibisyong Taguig-Pateros ng DepEd. Muli, malinaw na kapritso lamang ng pamunuan ng Makati ang pagmamatigas na unahin ang paghihiganti sa halip na kapakanan ng mga residente na di-umano’y mahal ng kanilang dating alkalde.
Samantala, bukás para sa mga residente ng EMBO ang pasilidad at serbisyo ng Taguig Pateros District Hospital (TPDH), ng PhilHealth-accredited 31 health centers, 7 primary care facilities, at 3 super health centers, Dialysis Center, 5 Animal Bite Treatment Center, 3 main laboratories, at 29 community-based laboratories ng Taguig.
Masigasig na ring ipinapatupad ang teleconsultation para sa mga taga-EMBO. Sa pamamamagitan ng pagtawag sa 10 hotline numbers sa bawat barangay sa EMBO, maaaring magkonsulta ang mga residente at humingi ng referrals, prescriptions, at laboratory requests na pawang libre.
Magbubukas ngayong linggo ng satellite pharmacy sa East REMBO.
At habang patuloy pang ipinagkakait ng Makati ang paglilipat ng pamamahala ng health centers sa EMBO na ipinasara nila sa halip na mapakinabangan ng taumbayan, magsasagawa ng medical missions ang Lungsod Taguig sa EMBO barangays tuwing Sabado.
Dadalhin ng Lungsod Taguig ang mga pioneering at award-winning na programa nito tulad ng house to house delivery of maintenance medicines, Doctor on Call, Home Health, Ating Dibdibin, at Nutrition Program na maghahatid ng pagkalusugang serbisyo sa mga residente ng EMBO.
Nakita at naramdaman na ng mga residente ng EMBO ang L.A.N.I. Scholarship, distribution of school supplies and uniforms, house to house distribution of birthday cash gifts for senior citizens and persons with disabilities, Love Caravan, at Pamaskong Handog. Hindi titigil ang Taguig na ipakita at iparamdam sa mga bagong Taguigeño sa EMBO barangays ang pagkalinga at pagmamahal ng isang Transformative, Lively and Caring Probinsyudad. (JOJO SADIWA)