Advertisers
Sadyang nakakatuwa ang mga huling kaganapan tungkol sa umuugong na Charter Change na umano’y umabot na sa mataas at mababang kapulungan ng Kamara ang pagkalat ng mga higing-higing at balyahan sa mga bayarang trolls o propagandista para umungos ang usapin.
Sa nakita ko nitong huli sa televsion, si Bb. Imee Marcos na ate ng pangulo ng bansa ay tahasang nagsasabi na hindi napapanahon ang issue ng pagpapalit ng Konstitusyon. Ganoon din ang ilang mga lumawit na sa media at nagpahayag ng kanilang saloobin kasabay ng napabalitang Php20 milyong piso ang tarahan kada lokalidad para sa pagpapaigting ng pagsusulong ng Charter Change.
Maging si Kgg. Koko Pimentel ay nagpahayag na rin ng pagkadismaya sa napabalitang Php100 ang katumbas ng isang pirma sa petisyon na maisulong ang Charter Change. Nitong huli, nagpahayag rin ang mga kinatawan ng DSWD at DOH na sila’y walang nababalitaang ganuong sistema na pagpapapirma ng mga recipient ng tulong mula sa gobyerno para sa sinasabing Charter Change.
Malala ang partisipasyon ng mga pulitiko na nababanaagan ng ibang mapagmasid sa mga kaganapan nitong huli… “pakiramdaman sila” ito ang komentong umaalingaw sa mga bakuran ng mga partido pulitikal. “Ngunit kilala na ng bawat isa ang pabor at kontra” !
Kung ako ang tatanungin…payag ako ngunit ang mariin kong ibig maamyendahan ay ang estilo ng pamamahala o uri ng gobyerno — Federalismo ! Kung hindi naman, Parliyamentaryo. Mandin, mas iibigin ko ring ang mga pulitikong may mga kasong kriminal ay hinding-hindi na maaring bumalik pa sa serbisyo sibil — pulitiko man o taong gobyerno. Kaawaawa ang ating bansa, hindi makaahon sa dusa dahil sa kagagawan ng mga nakasuhang iyan na hanggang sa ngayon ay namamayagpag at walang patumangga ang pagpapakita sa madla kung paano nila lustayin ang kaban ng bayan!