Advertisers
May isang ugali tayo na kailangang bantayan lalo na sa panahon ng social media: kapag may nangyaring hindi maganda, gusto agad nating may ituro.
May sunog? Sino ang may kasalanan?
May aberya? Sino ang nagpabaya?
May problema sa isang tanggapan? Sino ang dapat sisihin?
Mabilis ang mga tanong. Minsan, mas mabilis pa ang mga akusasyon kaysa sa aktuwal na imbestigasyon.
Kaya mahalagang ilagay sa tamang perspektiba ang nangyaring sunog sa Office of the Vice Mayor (OVM) sa Maynila.
Oo, nasunog ang bahagi ng opisina.
Oo, may mga nasirang bahagi ng gusali.
At oo, kailangang malaman kung ano ang tunay na pinagmulan ng insidente.
Pero hindi ibig sabihin na dahil may sunog ay may kapabayaan na agad.
Batay sa paunang impormasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), isang lumang electrical socket ang nag-spark at nadamay ang refrigerator na nakasaksak sa pantry.
Nasunog ang bahagi ng silid at bumagsak ang ilang bahagi ng kisame.
Wala ring naiulat na nasawi o nasugatan.
Sa puntong ito, malinaw ang posisyon ni Vice Mayor Chi Atienza: aksidente ang nangyari at walang kapabayaan sa panig ng kanyang mga tauhan.
At may isang bagay sa kanyang naging tugon na dapat bigyang-pansin.
Hindi niya itinago ang insidente.
Hindi rin niya sinubukang ipasa agad ang sisi sa ibang tao.
Sa halip, sinabi niyang ang unang ginawa niya ay tingnan kung may kailangang matutunan mula sa nangyari.
Iyan ang isang mahalagang katangian ng isang lider.
Kapag may problema, hindi sapat na sabihin nating “aksidente lang.”
Dapat itanong: May kailangang baguhin? May kailangang ayusin? May safety measures bang dapat dagdagan?
At kung walang nakitang pagkukulang, dapat ding magkaroon ng katapatan na sabihing aksidente talaga ang nangyari.
Hindi makatutulong sa publiko ang paggawa ng isyu kung wala namang ebidensiya.
Hindi rin makatarungan sa mga empleyadong maaaring ginagawa lamang ang kanilang trabaho na agad silang bansagan na pabaya.
Accountability is important, pero dapat nakabatay sa facts—hindi sa ingay.
At dito ako sang-ayon sa punto ni Atienza: kailangang harapin ang problema, pero hindi kailangang lumikha ng kasalanan kung wala naman.
Mas mahalaga ngayon na tingnan kung paano kumilos ang OVM pagkatapos ng sunog.
At dito, hindi naman tumigil ang tanggapan.
Habang isinasagawa ang clearing operations at hinihintay ang safety clearance ng BFP bago muling magamit ang loob ng opisina, gumawa agad ng paraan upang maipagpatuloy ang medical assistance.
May temporary service desks sa harap ng tanggapan upang patuloy na matanggap ang mga Manilenyong nangangailangan ng tulong.
Bakit mahalaga ito?
Dahil ang serbisyo publiko ay hindi dapat nakadepende lamang sa apat na dingding ng isang opisina.
Kung hindi muna ligtas gamitin ang loob ng tanggapan, humanap ng ibang lugar.
Kung may kailangang ayusin, ayusin.
Kung may kailangang ilipat pansamantala, ilipat.
Pero huwag hayaang ang problema sa opisina ang maging problema ng taong nangangailangan ng tulong.
Iyan ang mas dapat pagtuunan.
Ang isang nanay na nangangailangan ng medical assistance ay walang pakialam kung nasira ang kisame ng isang opisina.
Ang isang pamilyang naghahanap ng tulong ay hindi maaaring hintayin muna ang completion ng repair bago asikasuhin.
Ang kailangan nila ay serbisyo.
At iyon ang sinisikap ipagpatuloy ng OVM.
Pansamantalang suspendido ang libreng legal assistance habang ginagamit ng mga staff ang espasyo para maipagpatuloy ang administrative operations. Pero ang medical assistance, na maaaring maging kritikal para sa ilang Manilenyo, ay ipinagpapatuloy.
Sa ganitong sitwasyon, doon natin dapat sukatin ang isang tanggapan.
Hindi sa ganda ng opisina. Hindi sa laki ng espasyo. Kundi sa bilis nitong makabangon kapag may problema.
May sunog. May damage. May abala.
Pero ang tanong: Huminto ba ang serbisyo?
Ang sagot: hindi.
At marahil iyon ang pinakamahalagang mensahe mula sa insidenteng ito.
Hindi kailangang pagtakpan ang isang problema. Hindi rin kailangang maliitin ang anumang posibilidad ng pagkukulang.
Kung may negligence, dapat managot.
Kung may violation, dapat imbestigahan.
Pero kung ang lumabas sa pagsusuri ay aksidente at walang kapabayaan, dapat mayroon din tayong integridad na tanggapin iyon.
Dahil hindi naman hustisya ang basta may mapagbintangan. Ang hustisya ay ang malaman kung ano talaga ang nangyari.
Kaya bago maghusga, maghintay muna sa facts.
Bago manisi, alamin muna ang dahilan.
At bago gumawa ng malaking isyu, tingnan muna kung paano hinarap ng mga taong nasa likod ng isang tanggapan ang problema.
Sa OVM, maaaring nasunog ang isang bahagi ng opisina. Pero sa halip na isara ang pinto at sabihing “balik na lang kapag maayos na,” gumawa sila ng paraan upang patuloy na makapaglingkod.
Iyan ang dapat nating bantayan: hindi kung sino ang pinakamadaling sisihin, kundi kung sino ang patuloy na kumikilos para sa publiko kahit may kinakaharap na problema.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.