Advertisers

Advertisers

SEN. ERWIN TULFO, HINIMOK ANG DOE, PNOC NA KUMILOS PARA SA PHILIPPINE STRATEGIC OIL RESERVE

0 5

Advertisers

Hinimok ni Senate Energy Committee Chairman Erwin Tulfo ang Department of Energy (DOE) at ang Philippine National Oil Company (PNOC) na pabilisin ang mga administratibong hakbang upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng Philippine Oil Reserve.

Sa ikalawang pagdinig ng Senate Energy Panel patungkol sa Oil Deregulation Law amendments, binigyang-diin ni Tulfo na ang ilang bansa tulad ng United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia, at Japan ay naghihintay na lamang ng go-signal mula sa pamahalaan ng Pilipinas upang pondohan at magtayo ng isang maaasahang oil reserve sa bansa.

“Ipinahayag ng UAE na napakalaki ng kanilang kagustuhan at interes na magtayo ng kanilang oil depot dito. Sinabi nila na itatayo nila ito gamit ang sarili nilang badyet, ngunit tayo ang tiyak na makikinabang dito,” pahayag ni Tulfo sa mga kinatawan ng DOE at PNOC.

Kumpirmado naman ng DOE Oil Industry Management Bureau Director Dino Abad ang naturang panukala ng mga bansa at sinabing nakapagtatag na ang DOE ng isang Philippine Strategic Petroleum Reserve (SPR) Team. Ito ang task force ng ahensya na makikipag-ugnayan sa lahat ng dayuhang bansang nagpapanukalang magtayo ng mga oil depot sa Pilipinas.

“Gusto ng mga dayuhang bansang ito na lubos na maunawaan ang ating mga hangarin kaya kapag nagtayo sila rito, isasaalang-alang nila ang ating mga alalahanin. Sa ating panig, ang ating pangunahing layunin ay magkaroon tayo ng nakareserbang karapatan na mabigyan ng prayoridad kapag tumama ang isang krisis,” ayon kay Abad.

Tiniyak din ni PNOC Deputy Manager Antonio Buenviaje kay Tulfo na mayroon silang mga parallel efforts upang maging katotohanan ang Philippine Oil Reserve.

Humingi rin ng timeline si Tulfo mula sa DOE at PNOC para sa nasabing mga proyekto. Tanong niya: “Kailan maitatayo ang reserbang ito at malalagyan ng langis?”

Sinabi ni Buenviaje na bago sumapit ang 2027, “handa na ang mga pasilidad.”

Sa panig naman ng mga major oil companies, inihayag nila na ang pagkakaroon ng mga oil reserve ay malaking tulong para mabawasan ang presyo ng langis para sa mga mamimili.

“Dapat nating patatagin ang energy security ng ating bansa. Dahil dito, dapat padaliin ng ating gobyerno ang mga hakbang at proseso para sa mga permits at pag-aapruba upang maengganyo ang mga major international oil producers na magtayo ng kanilang mga reserba rito,” giit ni Tulfo.

“Kailangan natin ng sapat na mga reserba. Kailangan nating palakasin ang ating kapasidad na kayanin ang mga panlabas na krisis,” pagtatapos ng Tagapangulo ng Senate Energy Panel. (JERRY S. TAN)