Advertisers
SA pag-ikot ng mundo at panahon, talagang nagbabago ang lahat, at hindi lamang dito sa Pilipinas nararamdaman o’ apektado nito. Ang tinatawag na climate change ay kinakitaan natin ng matinding epekto sa nangyari sa bansang Nepal.
Mga pangyayaring di natin nakikita sa mga nagdaang panahon. Mga pagbaha di lamang dito kung di sa mga lugar at bansang di naman dati magkakaroon ng ganun katinding pagbaha.
Pero dito, parang di na tayo nasanay, taon-taon, kada tag-ulan ay may lugar talagang binabaha. Ano ang ginawa natin. Bakit ang ibang mga bansa na lagi rin nakakatanda ng baha ay na-manage na nila, samantalang tayo ay ganun pa rin kada tag-ulan?
Ang pagkakaiba natin marahil ay reactive yung approach natin sa baha, na dapat ay pro-active tulad sa ibang bansa. Taon-taon na nangyayari, pumping pa rin ang solution instead of basin-wide planning.
Yung volume ng ulan na bumagsak sa atin noong August 29 sabi ng mga awtoridad “is equivalent to 10 days of accumulated normal rain.”
Sampung araw na ulan ang katumbas na ibinuhos lamang sa isang araw. Mantakin niyo yan. Yung capacity ng drainage and waterways systems natin na-overwhelm sa volume ng ulan na bumubuhos. The result, heavy flooding. Ang core problem, climate vs infrastructure.
Ang waterways system dapat based sa isang regional design at hindi sa local or municipal levels. Water will always find its level, kaya kung i-address ang problema ng isang lokalidad, lilipat lang ang problema sa karatig na lugar. Dapat pag-aralan ang topography ng basin, isantabi ang mga city o municipal boundaries, at base doon, gumawa ng isang komprehensibong disenyo na mama-manage ang daloy ng tubig magmula sa itaas na kanyang pinanggagalingan hanggang sa kadulo-duluhan sa ibaba na kanyang final na lalabasan.
Ang tanong – sa kasalukuyang political set-up ba natin, na may kanya-kanyang kaharian ang mga local officials, kaya ba planuhin at ipatupad ang ganito kakomprehensibong proyekto?
Sa proyektong ito, kakailanganin natin i-relocate lahat ng mga informal settlers sa mga tabi ng ilog, estero, creeks. Pero ika nga, vote-rich communities ang mga ito, papayag ba ang mga politiko?
Kapag naipatupad ito, kailangan din ang kooperasyon at disiplina ng bawat isa para mapanatili ang functionality ng waterways system. Kaya kaya supilin ang ilang henerasyong lumaking matitigas ang ulo?
Sarili ko lang mungkahi at mga tanong ang mga ito. Ano sa palagay nyo? Kasi ako di na mapalagay kung lagi na lang tayong ganito kapag may baha.