Advertisers
Ipinawalang-saysay ng Naga City Prosecutor’s Office ang reklamong Cyberlibel na inihain ni Mayor Nelson Legacion laban sa isang tagasuporta umano ni dating Vice President Leni Robredo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Sa desisyong ipinalabas ni Prosecutor Ruben Almerol Jr., nakasaad rito na walang nakitang malinaw na ebidensya na nagpapatunay na may malisya ang naging komento ni Dominga Bien Realda sa survey na isinagawa ng “Bagong Bicol” Facebook page.
Ang nasabing survey ay ukol sa pagpili sa pagitan nina Legacion at Robredo bilang alkalde ng lungsod sa susunod na 2025 local election.
Inalmahan ni Legacion sa komento ni Realda sa survey na nagsasabing na isa siyang tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Giit niya, mapanira sa kanyang reputasyon at pagkatao ang naging komento ni Realda, kayat naghain siya ng reklamong cyber libel alinsunod sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ikinatwiran naman ni Realda na pinili lamang niya sa survey si Robredo at ang kanyang komento ay sagot rin lamang sa pahayag ng isa pang netizen.
Sa resolusyon iginiit ng piskalya na dapat bukas sa mga batikos at puna ng mamamayan ang sinumang opisyal bilang bahagi ito ng kanilang trabaho.