Advertisers
“Nagtatapos ang insurhensya kung saan nagsisimula ang kalsada.”
Ito ang iginiit ni Occidental Mindoro Lone District Rep. Leody “Odie” Tarriela matapos maitala ng lalawigan ang pambihirang pag-angat ng ekonomiya—mula 2.1 porsiyento tungo sa 11.2 porsiyentong paglago, ang pinakamabilis sa buong bansa.
Sa FAQCheck press conference, sinabi ni Tarriela na patunay ang transpormasyon ng Occidental Mindoro na ang kapayapaan at kaunlaran ay magkaugnay. Aniya, hindi sapat ang operasyong panseguridad lamang; kailangang makarating sa mga dating conflict-affected communities ang kalsada, kuryente, kabuhayan at pangunahing serbisyo ng gobyerno.
Dati nang tinaguriang “brownout capital” ang Occidental Mindoro, kung saan umaabot umano sa 16 hanggang 18 oras kada araw ang pagkawala ng kuryente. Ilan din sa malalayong komunidad nito ay matagal na naapektuhan ng komunistang insurhensya.
Ngunit kasabay ng pagbuti ng suplay ng kuryente at pagpasok ng mga proyektong pangkaunlaran ay dumami ang oportunidad sa negosyo at trabaho. Pito sa 11 munisipalidad ng lalawigan ang nakamit na rin ang insurgency-free status pagsapit ng 2024.
“Ang 11.2 porsiyentong paglago ay hindi lamang numero—simbolo ito ng tunay na pagbabago,” ani Tarriela. “Nang bumuti ang kuryente, pumasok ang mga mamumuhunan at dumami ang trabaho at oportunidad. Kapag gumaganda ang buhay ng tao, nawawala ang dahilan para sumuporta sa armadong grupo.”
Binigyang-diin niya ang Bayan ng Magsaysay, na naging unang munisipalidad sa bansa na nakatapos ng infrastructure project sa ilalim ng FY 2026 LGSF-Support to the Barangay Development Program (SBDP), dahilan upang maging MIMAROPA ang unang rehiyon na nakapagtala ng natapos na proyekto sa ilalim ng FY 2026 programa.
Binanggit din ni Tarriela ang Sablayan, kung saan ang mga farm-to-market road ay nagbubukas sa dating liblib na mga komunidad patungo sa pamilihan, paaralan, health facilities at iba pang serbisyo.
“Kung nakapunta ka ng Mindoro, maraming malalayong komunidad na walang maayos na access road. Kaya nga sinasabi natin: ‘Nagtatapos ang insurhensya kung saan nagsisimula ang kalsada,’” aniya.
Ayon kay Tarriela, higit pa sa konkreto at bakal ang isang kalsada. Iniuugnay nito ang magsasaka sa pamilihan, ang bata sa paaralan, ang maysakit sa health center, at ang liblib na komunidad sa gobyerno.
Pinasalamatan niya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang NTF-ELCAC sa patuloy na pagsusulong ng Barangay Development Program at iba pang peace and development initiatives.
Nanawagan din si Tarriela na palawakin at patuloy na pondohan ang BDP upang mas marami pang dating conflict-affected communities ang makinabang sa kalsada, tubig, kuryente, paaralan, serbisyong pangkalusugan at kabuhayan.
“Kapag gumanda ang buhay ng tao at nakakakain nang tatlong beses sa isang araw at nakapag-aaral ang kanilang mga anak, doon nababawasan ang insurhensya,” ani Tarriela.
Para sa mambabatas, malinaw ang aral ng Occidental Mindoro: kapag dumarating ang kaunlaran, umuurong ang insurhensya.
-30-