Advertisers

Advertisers

Sundalo sa pagpatay sa mag-utol na bgy. officials sumuko

0 30

Advertisers

SUMUKO nitong Sabado, Oktubre 24, ang isang sundalong itinuturong pumaslang sa magkapatid na opisyal ng barangay sa Kabacan, Cotabato noong Oktubre 21.
Kinilala ni Brigadier General Edgar Catu, bagong talagang commander ng Army’s 6th Infantry Division (6ID), ang suspek na si Cpl. Virgilio D. Magbiray Jr., miyembro ng 90th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa pulisya, pangunahing suspek si Magbiray sa pamamaril sa magkapatid na sina Patacpan Maganaka, isang barangay councilor; at Ibrahim Maganaka, barangay bookkeeper, ng Barangay Lower Paatan sa Kabacan.
Sinabi ni Major Greg Palalay, deputy police chief ng Kabacan, na namamahala ang magkapatid sa isang disco sa kanilang barangay nang magkaroon ng kaguluhan bandang 1:00 ng madaling-araw ng Oktubre 21.
Nagsimula umano ang insidente matapos pagbabatuhin ng bato ang dance floor. Nang mamagitan ang magkapatid, nauwi ito sa pagtatalo nila ni Magbiray, na sinasabing bumaril sa mga biktima gamit ang isang 9mm na baril.
Matapos sumuko, iniharap si Magbiray ni Lt. Col. Loqui O. Marco, commanding officer ng 90th Infantry Battalion, kay Brig. Gen. Gremel B. Brual, hepe ng 601st IB.
Iniutos ni Catu ang paglilipat sa suspek sa Kabacan Municipal Police Station para sa kaukulang legal na proseso.
“Ang batas ay pantay na umiiral sa lahat, anuman ang ranggo o posisyon, at ang sinumang mapatunayang lumabag dito ay dapat managot alinsunod sa due process,” pahayag ni Catu.