Advertisers
IGINIIT ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña nitong Linggo na tama ang naging desisyon ng House prosecution panel na ituon na lamang sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cendaña, ito ang pinakamalinaw na batayan sa paglilitis sa Bise Presidente dahil sa dami ng ebidensyang sumusuporta rito at sa pagiging madaling maipaliwanag ng naturang alegasyon sa publiko.
“Malaki rin ang ebidensya sa iba pang mga artikulo ng impeachment. Pero ang talagang pinakanangingibabaw, pinakamadaling ipaliwanag at hindi gaanong teknikal ay ang unexplained wealth,” ani Cendaña sa panayam sa programang “Bantay Balita sa Kongreso” ng dzBB, kasama sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali.
Bago pansamantalang itinigil ang impeachment trial, nagpasya ang House prosecution panel na bawiin ang tatlo sa mga alegasyon laban kay Duterte.
Kabilang dito ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol at matitinding pagbabanta.
Dahil dito, ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang hahatulan ng Senate impeachment court, ayon kay Cendaña.
Binigyang-diin niya na mas madaling maunawaan ng publiko ang usapin dahil hindi na nangangailangan ng masalimuot na legal na paliwanag o teknikal na mga terminolohiya.
“Pinakamadaling ipaliwanag ang hindi maipaliwanag na yaman. Sa totoo lang, naiisip ko nga, hindi lang ba hindi maipaliwanag ang yaman kundi ayaw itong ipaliwanag dahil may itinatago?” dagdag niya.
Sinabi rin ng mambabatas na mahalagang maging malinaw at mabilis ang proseso ng impeachment upang mapanatili ang interes ng publiko at mahikayat ang mga testigo na patuloy na makilahok sa paglilitis.
“Kapag humaba ang proseso, nawawalan ng interes ang taumbayan. Nawawalan din ng lakas ng loob, halimbawa, ang mga testigo na maging bahagi ng proseso,” ani Cendaña.
Gayunman, nilinaw niya na hindi nangangahulugan ang pagbawi sa tatlong iba pang artikulo ng impeachment na hindi na maaaring panagutin si Duterte sa mga alegasyong nakapaloob dito.
Ayon sa mambabatas, maaari paring gamitin ang iba pang legal na hakbang sa labas ng impeachment proceedings.
Kabilang dito ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Magpapatuloy ang impeachment trial sa Senado sa Nobyembre 9, kung kailan nakatakdang iharap ng kampo ni Duterte ang kanilang depensa.