Advertisers
MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang biglang pagpalobo sa lotto jackpots, ang sunud-sunod na nanalo, at ang in-edit na larawan ng nanalong bettor.
Umabot na nga sa Senado ang isyu. Inamin naman ng PCSO ang pag-edit sa larawan ng bettor. Ginawa raw hindi ito para hindi makilala ang bettor para sa kanilang seguridad.
Tama rin naman sa kanilang rason si PCSO General Manager Mel Robles.
Pero marami parin ang nagdududa na niluluto ang lotto draws pabor sa mayayamang mananaya.
Tulad halimbawa ng biglang pagpalobo sa initial jackpot para makaengganyo ng maraming mananaya noong Disyembre at nitong Enero.
December 16, 2023, ang minimum jackpots ng Grand 6/55, Ultra 6/58 at Super 6/49 ay ginawang P500 million, habang ang 6/42 at 6/45 ay ginawang tig-P100 million!
Noong Dec. 29, isang mananaya ang nakadale ng P571 million sa Ultra 6/58 draw.
Enero 2, tatlong bettors ang naghati-hati sa P108 million jackpot ng Lotto 6/42.
Enero 8, dalawang bettors ang naghati P121 million Mega 6/45 jackpot.
Sumunod Enero 16, isang mananaya rin ang nakayari sa P640 million jackpot ng Super 6/49 draw.
Tapos nitong Enero 17, isang bettor naman ang nakapagbulsa ng P698.8 million sa Grand 6/55.
Ang pagpalobo ng todo sa jackpot ay maaring sugalan ng multimilyonaryong sugarol, tayaan lahat ng kombinasyon, kungsaan kung solo lang siyang nakagawa nito ay sureball na siya ang panalo ng higit sa kanyang puhunan.
Tulad halimbawa sa 6/49 na mayroong 14 million combinations, nagkakahakaga ng P280 million mula sa tig-P20 per ticket.
Ang jackpot sa 6/49 nung Enero 16 ay P640 million nang tamaan ng solo bettor. Kung ang bettor na ito ay sinugalan ng P280 million ang lahat ng kombinasyon, kabig siya ng P360 million! Tama ba ako, GM Mel Robles? Kayang kaya gawin ito ng bilyonaryong gambling lord na si “Boss AA”. Mismo!
Bagama’t hinahangaan natin sa kanilang marketing strategy si GM Mel, unfair naman ito sa mahihirap na mananaya na pa-etneb etneb lang.
Dapat hayaan nalang ni Boss Mel na lumago ang jackpot mula sa mga taya. Kasi ‘pag biglang binuhusan ng jackpot na sobra sa jackpot ng mga kombinasyon tulad ng nangyari sa 6/49 draw, aba’y papabor ito sa mayayamang mananaya na minsan ay naghahati-hati sa kapital para madale ang napakalaki nang jackpot, na sobra na sa akmang bilang ng mga kombinasyon. Mismo!
Sa ginawang pag-imbestiga ng Senado, sigurong ihinto na ni GM Mel ang bulok niyang marketing strategy.
Teka, baka naman sila sila lang din yung nakadale sa P640 million jackpot ng Super 6/49? Balato naman dyan, pareng Bobby R! Hehehe…