Advertisers

Advertisers

Puganteng Sokor na wanted sa illegal drugs, huli ng BI

0 12

Advertisers

INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng South Korean national na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagbebenta ng droga.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng fugitive search unit (FSU) ng BI na ang 43-anyos na si Park Yong ay naaresto noong Huwebes sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga.

Armado ng warrant mula kay Tansingco ang mga operatiba ng FSU nang arestuhin si Park. Si Tansingco rin ang lumagda ng parehong summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa Koreano noong Disyembre ng nakaraang taon.



“He will thus be deported immediately as soon as the BI secures the necessary clearances for his departure. He has also been placed in the immigration blacklist to prevent him from re-entering the country,” sabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy.

Idinagdag pa ni Sy na si Park ay dadalhin sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan siya mananatili hanggang sa siya ay mai-deport na.



Base sa impormasyon na nakuha mula sa Interpol team ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI, lumalabas na si Park ay inisyuhan na ng arrest warrant ng Suwon district court sa Korea noong 2023.

Naglabas din ng red notice ang Interpol laban kay Park na kinasuhan ng nasabing korte dahil sa paglabag sa Korea’s narcotics control act.



Ayon sa Korean authorities, si Park diumano ay nagpost sa internet noong July 2016 ng advertisement at nag-iimbita sa publiko na bumili ng methamphetamine drugs sa kanya.

Matapos tumanggap ng bayad mula sa mga buyers, sinabihan ni Park ang mga ito na kunin ang droga sa tagong lokasyon na nakuhanan ng litrato at kung saan nakatago ang droga.

Lumalabas din sa imbestigasyon na si Park ay isa ng overstaying alien dahil sa records ng BI ay dumating ito sa Pilipinas noong Sept. 15, 2019 at hindi na umalis. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)