Advertisers
Tagapagbantay ng mga preso (Persons Deprived of Liberty) – iyan ang imahe ng mga jail guard/jail officer sa nakararami o taumbayan. Tama naman sila ngunit, ang hindi nila alam ay hindi madaling trabaho ang maging bantay sa piitan.
Sa araw-araw na pagharap ng jailguards sa libo-libong bisita at Person Deprived of Liberty (PDL), kailangan ang walang humpay na pagmamasid, tibay ng loob, at higit sa lahat integridad.
At ang karakter na ito – na mayroon sa mga jailguard natin sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay nagbunga na naman – sa pagkakumpiska ng mga ilegal na droga at kontrabando na tinangkang ipuslit sa piitan.
Tama, bunga ng pagkaalerto ng mga jail guard batay sa direktiba ni BJMP Chief, Director Efren A. Nemen¨o, hindi naipasok sa piitan ang mga ilegal na droga dahilan naman upang bigyan ng pagkilala at Medalya ng Papuri ang mga guwardiya na nasa likod ng pagharang sa mga droga.
Apat na magigiting na tauhan ng BJMP ang binigyan ng parangal ng kawanihan sa utos ni Dir. Nemeño —sina JO1 Mark Lester Saladino, SJO3 Ariel Morañon, JO1 Queenie Ann Mae Ponpon, at JO1 Margel M. Villaro. Ito ay dahil sa matagumpay nilang pagharang sa mga ilegal na droga at kontrabando sa Manila, Carigara, at Butuan.
Nakasamsam si JO1 Saladino (NCR) ng isang sachet ng shabu na tumitimbang ng 1.080 gramo mula sa isang lalaking bisita na nagtangkang magpuslit sa Manila City Jail-Female Dormitory, habang sina SJO3 Ariel Morañon at JO1 Queenie Ann Mae Ponpon (Region 8) ay matagumpay naman nilang naharang ang dalawang pad na dahon ng tabako na itinago sa panloob na kasuotan (brassiere) ng isang bisita sa Carigara District Jail.
Samantalang si JO1 Margel M. Villaro (Caraga), nasabat nito ang 0.4337 gramo ng shabu na itinago sa waistband ng isang bagong commit na Person Deprived of Liberty (PDL) sa Butuan City Jail-Male Dormitory.
“Simple lang ang kanilang ginawa, sinunod nila ang tamang pamamaraan, at hindi sila natakot gumawa ng tama kahit walang nakatingin. Iyan ang uri ng kahusayan na gustong makita ng ating pamunuan sa bawat isa sa atin, oras-oras, araw-araw,” pahayag ni Dir. Nemeño.
Siyempre, sa likod naman ng bawat alertong jail officer at matagumpay na operasyon, mayroong pamumuno na naglalagay ng pamantayan. Nararapat din nating bigyang-diin at purihin ang pamumuno ni BJMP Chief Jail Director Efren A. Nemeño.
Sa kanyang panunungkulan, malinaw ang direksyon: disiplina, tamang pamamaraan, at zero tolerance sa anumang uri ng katiwalian at kapabayaan. Naturalmente, sinasaluduhan din natin ang tatlong Warden ng tatlong piitan.
Tulad nga ng sinabi ni Nemeño… simple lang ang ginawa ng apat, sinunod ang tamang proseso at ginawa ang tama kahit walang nakatingin. Ang ganitong pananaw ay hindi basta nagmumula sa ibaba—ito ay nagmumula sa magandang ehemplo at suporta ng itinuturing na “amang” ahensya. Kapag ang namumuno ay mabilis magparangal at magpahalaga sa tapat na paglilingkod, nagkakaroon ng mataas na moral ang buong hanay na galingan pa ang kanilang trabaho.
Sa ilalim ng pamumuno ni Nemeño, nakikita natin ang dalawang mahalagang haligi sa mga piitan – ang mas pinaigting na seguridad (strict contraband control) at ang makataong pamamalakad (humane safekeeping).
Sa kanyang matatag na paninindigan laban sa VIP treatment, ipinapadama ng BJMP na ang batas at regulasyon ay para sa lahat—walang lamangan, walang palakasan.
Kaya ang matagumpay na pagsamsam sa mga kontrabando ay malinaw na mensahe sa publiko – huwag nang subukin ang BJMP.
Ngayon, sa mahigpit na gabay ni Dir. Nemeño at sa dedikasyon ng ating mga jail officer, mas lumalakas ang tiwala ng mamamayan na ang mga pasilidad ay hindi lang ligtas mula sa ilegal na droga, kundi tunay na lugar para sa pagbabago at rehabilitasyon.