Advertisers
MAGANDA ang pinaplano nitong si Governor Ma. Angelica Rosedell M. Amante ng Agusan del Norte, matapos niyang mabisita ang Sitio Zapanta, Barangay Bangayan sa Munisipalidad ng Kitcharao, at nakita ang kagandahan ng Arimbungog Falls.
Sa kanyang paglalarawan sa Arimbungog Falls, tila nga raw nasa paraiso kapag ito ay iyong mabisita. Luntiang kapaligiran na sa gitna ay ang falls na pagkalinaw-linaw na tubig. Maaari nga raw itong maipagmalaki bilang isang “blockbuster” na tourist destination.
Ang Sitio Zapanta, ay tahanan din ng mga indigenous peoples o’ katutubo mula tribo ng Mamanwa at Manobo na pinamugaran din at pineste ng mga komunistang-terorista sa probinsiya.
Sa pagtatagumpay ng mga tropa ng pamahalaan na mabawi ang lugar at umiral ang kapayapaan nagbukas ang kaunlaran at economic activities ika nga.
Kaya ipinangako ng gobernadora na aalagaan nila ito upang magtuloy-tuloy na ang inaasahang kaunlaran at makinabang ang probinsiya at lahat ng mga naninirahan doon kabilang na ang mga IPs.
Kanya na silang kinausap at ipinadama ang kanyang pagkamangha sa likas yamang kagandahan ng Arimbungog Falls. Pinakiusapan din ang lahat, na maki-isa sa pamahalaang lokal sa pag-iingat ng nasabing likas yamang kagandahan sa ikauunlad ng turismo sa Zapanta.
Ang lider ng IPs na si Datu Lando Anlagan, ay tumalima naman agad sa request ni Governor Amante at ipinangako na kanila rin itong poprotektahan na ngayon ay ‘zone for peace and development’ na.
Hindi ba’t napaka-ganda din na ang lahat ay nagkakaintindihan. Walang nananamantala gaya ng CPP-NPA-NDF. Mamumuhay nang tahimik ang lahat sa gitna ng mala-paraisong kagandahan ng lugar.
Pagkatapos ng lahat ng pang-gugulo ng CPP-NPA-NDF maaari nang simulan ang tulong para sa Turismo nang umusad na pati ang kaunlaran.