Advertisers
Ikinatuwa ni Senador Christopher “Bong” Go ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na banta ang International Criminal Court (ICC) sa soberanya ng Pilipinas.
Sa isang ambush interview noong Enero 23 kay PBBM ay mariing sinabi ng Pangulo na hindi siya sang-ayon sa panghihimasok ng ICC sa mga usaping hudisyal sa Pilipinas.
“For the 100th time, I do not recognize the jurisdiction of the ICC in the Philippines. I find it a threat to our sovereignty,” ang mariing pahayag ng Chief Executive.
Nilinaw pa ni Pangulong Marcos na habang pinahihintulutan ang mga imbestigador ng ICC na bumisita sa Pilipinas, sila ay sasailalim sa mahigpit na pagbabantay, lalo sa anumang pagtatangkang makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno.
“We will not assist them in any way. We are watching them to ensure they do not engage with any government agencies,” iginiit ni Pangulong Marcos Jr.
Sa pagsang-ayon kay Pangulong Marcos Jr., binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtataguyod ng soberanya ng bansa at kalayaan ng gumagana nitong sistemang hudisyal.
Ayon kay Go, ang Pilipinas ay may malakas, independiyenteng sistema ng hudisyal.
“It is our belief that only Philippine courts, under Philippine laws, are qualified to adjudicate matters concerning our nation and its people,” ani Go.
Ang paninindigan niyang ito ay pagkontra sa layunin ng ICC na imbestigahan ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kampanya kontra sa droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ng senador ang kakayahan ng Pilipinas na pangasiwaan ang mga panloob na gawain nito nang walang panlabas na panghihimasok.
“Pilipino po ang dapat humusga sa kapwa Pilipino. And let the Filipino people be the judge,” anang senador.
Hinimok ni Go ang publiko na pagnilayan ang termino ni Duterte, alalahanin at suriin ang sitwasyon sa panahon ng nakaraang administrasyon.
“Kayo po ang humusga kung nakakalakad ang mga kababayan natin nang tahimik at ligtas noong panahon ni dating Pangulong Duterte,” giit niya.
\Ayon kay Go, ginawa ni dating Pangulong Duterte ang lahat para sa ating mga anak para hindi masaktan at siya ang nag-restore ng peace and order sa ating bansa.
Binanggit din ng senador ang mga pahayag ni dating Supreme Court chief justice at ngayon’y Executive Secretary Lucas Bersamin na ang Pilipinas ay mayroong gumaganang institusyon ng hustisya at ang mga pamamaraan ay nasa lugar.
Hindi dapat hayaan na ang banyaga ang magsabi kung sino ang iimbestigahan, sino ang kakasuhan, sino ang hahatulan sa bansa.