Advertisers

Advertisers

PANGALAWANG AKLAT

0 2,115

Advertisers

MALUWALHATI namin natapos ang aking unang aklat na may pamagat, “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et. Al” noong Nobyembre. Nalimbag ang aklat at lumabas ang mga sipi bago natapos ang 2023. Tinalakay ng unang aklat ang madugo, magulo, at masalimuot ngunit bigong giyera kontra droga ni Gongdi sa panahon na nasa timon siya ng kapangyarihan.

Ngayon, tinatapos ko ang aking pangalawang aklat. Inaasahan kong matatapos ko ito sa susunod na buwan – kung papalarin, sa Pebrero 15, o kahit sa katapusan ng Pebrero. Maaaring malimbag ito sa Marso at lumabas ang mga sipi sa aking kaarawan sa Abril. Kagyat kong isusunod ang pangatlong libro sa Mayo. Maaaring lumabas ito sa Hulyo. Tatlong libro sa loob ng isang taon? Hindi masama sa aking pakiwari.

Nasa 75% na ang aking natapos sa pangalawang libro. Ang pansamantalang pamagat ay “BUMPS Road to Philippine Democracy, 1972-2022.” Inihambing ko ang demokrasya ng bansa sa isang kalsadang lubak-lubak. Tinalakay ko ang mga iba’t-ibang nangyari sa loob ng 50 taon kasama ang mga lubak. Hindi diretsong daan ang demokrasya ng bansa. Maraming lubak at tangka ng kontra himagsikan (counterrevolution) upang ibalik ang diktadura sa ibang anyo.



Tinalakay ng bagong aklat sa deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng batas militar noong 1972; ang pagkamatay (o pinatay) ng demokrasya sa bansa; ang diktadura ni Marcos na nagdulot ng ibayong paghihirap sa bayan; at ang pagbabalik ng demokrasya ng mapatalsik si Marcos sa poder nang naganap ang 1986 EDSA People Power Revolution.

Hindi nawala ang isyu ng pitong kudeta ng mga puwersang maka-Marcos at maka-Enrile noong panahon ni Cory Aquino at ang mga ginawa ni Cory upang ganap na wasakin ang diktadura ni Marcos. May tsapter ang aking aklat tungkol sa mga tangka ng kahit mga puwersa na nakaluklok sa Malacanang na baguhin ang mga probisyon ng Saligang Batas ng 1987. Nariyan ang PIRMA, Concorde, Con-Ass, Con-Con, at kahit ang Cha-Cha. Iisa ang pakay ng mga nagsusulong ng amyenda sa Konstitusyon: Ito ang napanatili ang sarili at kakampi sa poder.



May tsapter ang aking pangalawang aklat na bumabanggit sa mga iskandalo ng pagnanakaw sa pamahalaan. Ito ang P5.3-B tax credit scam; P10-B PDAF scandal; at ang P6.6-B Pharmally scandal. Hindi na nakakagulat na ang nakawan ay nasa bilyon piso hindi tulad ng mga nakaraan na nasa milyon lamang. Sa ganang amin, atake pa rin sa katatagan ng demokrasya ang mga nakawan sa gobyerno.

May mga talakay rin ang inyong lingkod sa nangyari na “EDSA Dos,” kung saan bumagsak ang panguluhan ni Erap Estrada at ang nakakatawang “EDSA Tres,” kung saan tinangka ng mga tagasuporta niya na karamihan ay bangag sa droga na kunin muli ang poder sa isang magulong ag-atake sa Malacanang. Binanggit ko rin ang pamahalaan ni GMA na batbat sa katiwalian at ang halalan ng 2004 kung saan malinaw na dinaya si FPJ.



May isang tsapter ang aking aklat hinggil sa usapang pangkapayapaan (peace talks). Tinalakay ko ito mula ng nag-umpisa noong 1986, o pagkatapos na bumagsak ang diktador at pumalit si Cory Aquino. Bumagsak ang unang tigil putukan (ceasefire) noong 1987 dahil sa Plaza Miranda massacre at kahit ang unang peace negotiations. Mistulang close-open ang mga sumunod na peace talks. Sinubukan noong panahon ni Gongdi ngunit nauwi sa wala. Hindi seryoso si Gongdi na matapos na ang alitan sa bansa.

Hindi maaaring hindi namin banggitin ang huwad na giyera kontra droga ni Gongdi. Walang napala ang madugo ngunit bigo na digmaan kontra droga. Maraming namatay, o pinatay si Gongdi ngunit wala siyang malinaw na nalutas. Pinatunayan lang niya na may sayad at natutuwa na pumapatay. Isang matinding leksiyon ang pekeng war on drugs ni Gongdi. Maraming naloko si Gongdi at laksa-laksang Pinoy na basag ang pula at ang pawang nagsisi sa kanya.

Aking tinalakay ang pagtanggal kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa Korte Suprema at pagkulong ng pitong taon kay Leila de Lima. Sa isang hiwalay na tsapter, binanggit ko ang Chinese hegemony o ang pag-aangkin sa ating teritoryo at maski ang pagpasok ng China upang itayo ang Dito Telecommunity at pagkuha ng minorya ng pag-aari sa National Grid Corporation of the Philippines.

Tinapos ko sa aking aklat ang halalan pampanguluhan ng 2022 at ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder. Mayroon epilogue kung saan tinangka kong sagutin ang tanong na kung ano ang mga maaasahan sa mga susunod na panahon. Mahabang panahon ang aking ginugol sa pagbuo ng aking pangalawang aklat, ngunit ikinararangal kong sabihin na ako sinuportahan ng aking tanging kaibigan na hindi umalis sa aking tabi upang ako ay itulak at buuin ang isang mahalagang kabanata ng ating kasaysayan. Muli kong inaalay sa aking tanging kaibigan ang aking panibagong aklat.

***

MAAANGHANG ang mga binitiwang salita ni Gongdi tungkol kay BBM Sa Davao City, ngunit iiwan na namin sa ibang komentarita ang magbigay ng kuro-kuro sa mga tinuwan ng tila nababaliw na dating pangulo. Hindi na kami makikisali sa talakayan sapagkat maraming tagamasid ang mayroon mahalagang komento sa mga pinagsasabi ni Gongdi.

Isa lang ang gusto namin sabihin. Nais ni Gongdi na bigyan siya at mga kasabwat ng proteksyon ni BBM kontra sa International Criminal Court (ICC) sa maraming EJK kaugnay sa kanyang war on drugs. Nang nasiguro niya na hindi siya bibigyan ng proteksyon at pababayaan lang siya, tila bata na naglupasay at nagngangalngal. Hindi baliw si BBM na proteksiyunan siya sa maling gawain. Marapat lang na pagbayaran niya ang krimen ng kanyang administrasyon.

***

MGA PILING SALITA: “Indeed, ICC cannot be deluded. Talaga naman kulang na kulang ang mga sinasabing imbestigasyon dito sa malawakang patayan sa ilalim ng Duterte drug war.” – Leila de Lima, dating political prisoner

“Bakit nyo idinadamay ang buong Pilipinas? It’s only Gongdi & his henchmen the ICC is after, not the entire country. It’s about accountability, not sovereignty.” – Joel Cochico, netizen, kritiko

“Mahirap sa Inferior Davao manggaling ang oposisyon. Sila-sila pa rin? Hindi katanggap-tanggap. Pamumunuan tayo ng mga Neanderthal? “ – PL, neizen, kritiko

“Nang ipinapatay ni Bato ang mga tulak at adik ng droga, hindi niya iniisip ang kahihinatnan. Ngayon, takot siyang makulong?” – PL, netizen

“There’s art – and science – in finding meaning in what could be considered trivial or even inconsequential.” – PL, netizen