Advertisers
PALAISIPAN kung sino ang mga personalidad mula sa Camp Crame, PNP Region 4-A, mga pamahalaang lungsod at bayan, maging sa mga opisina ng Batangas Provincial Command at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office ang tumatanggap ng milyones na payola mula sa mga gambling lord at drug pusher na nagpapatakbo ng Small Town Lottery (STL) bookies sa siyudad ni Mayor Sonny Collantes at permanente o puesto pijo na sugalan sa bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes at Lipa City Mayor Eric Africa?
Ang Tanauan City, Lipa City at bayan ng Malvar ay pawang notoryus ngayon, hindi lamang sa kalakalan ng droga kundi ganun din sa illegal gambling. Mula pa sa panahon ng mga Halili na matagal na nagharing political clan ay palasak na ang droga at sugal, pero pag-upo ni Mayor Sonny Collantes nang manalo noong May 2022 election ay nahinto ang drug at vice operation subalit pansamantala lamang.
Dati namang tahimik, pambihirang may mga adik at drug pusher sa bayan ng Malval,ngunit pagkaupo ni Mayor Cristeta Reyes ay lumarga na ang ilegal na pasugalang prente ng bentahan ng shabu. Ang unang dahilan ay ang talamak na pasugal, bentahan ng drug at aliw ng nagpapakilalang kumare ni Mayor Reyes na isang alyas Glenda. Si alyas Glenda ay operator din ng mga permanenteng pergalan (perya ng pulos sugalan) sa siyudad ni Mayor Eric Africa ng Lipa.
May dalawang taon nang walang humpay ang operasyon ng sugalang may shabuhan at putahan ni alyas Glenda sa Brgy. Santiago ng naturang bayan, samantalang may walong buwan na ang isa pang pasugalan din nito sa Brgy. Pinagtong-olan Lipa City, ngunit wari’y walang alam ang kapulisan ng Batangas sa mga naturang vice den.
Matatandaang sa unang araw ni Mayor Collantes sa Tanauan City Hall ay ang problema sa drug at gambling kaagad ang pinagtuunan niya. Iniutos nito sa kapulisan na hulihin at ipagharap ng kaso ang mga drug at gambling lord na nasa likod ng alingasngas na ito sa Tanauan City, pero kaya agad na tumiklop ang mga illegal drug/gambling operation sa siyudad sa takot na sila ‘y mahuli at makasuhan.
Ngunit isang buwan lamang ang nakalipas ay bumalik na ang mapamerwisyong drug at STL bookies operation nang tumanggap na ang isang mahiwagang opisyal ng city government ng Php 6 milyon royalty fee mula sa grupo ng drug/gambling operator na sina OCAMPO, DIMAPILIS, BURGOS, ABLAO, CRISTY, BAGSIC, GERRY, RAMIL alyas BADOY at iba pa na nagpasimuno ng pagbabalik ng iligal na sugal sa 48 barangay ng naturang lungsod.
Liban sa Php 6M na naisuhol sa lokal na opisyal na nag-aanyong tupa ay may inihatag pang Php 6M sa ilang korap na mga police official sa Camp Crame, R4-A, Batangas PNP at CIDG kaya’t tuloy-tuloy at aakalaing legal na ang operasyon ng sugal at droga sa lungsod ng Tanauan.
Mula noon hanggang ngayon sa ilalim ng pamumuno nina Batangas PNP Provincial Director Samson Belmonte at Tanauan City Police Chief LtCol. Apolinar Lunar Jr. ay nagmukhang inutil na ang anti-gambling drive ng PNP sa Lungsod ng Tanauan, Lipa City at munisipalidad ng Malvar.
Bukod kina Ocampo, Dimapilis, Burgos, Cristy, Ms. Bagsic, Gerry, Ramil aka Badoy ay rumatsada din ang marami pang gambling con drug operator na tulad nina Ablao, Melchor, Teryo na bukod sa bookies ay nag-ooperate din ng paihian, Rodel, Donna, Lilian, Annabel, Dexter, Lito, Berania at iba pa.
Milyones ang kubransa ng 30 STL bookies o jueteng operation mula sa mga barangay ng Poblacion, Brgy. 7, Darasa, Santor, Suplang, Altura 1,2 ,3, Balele, Boot, Pagaspas, Banadero, Cale, Tinurik, Trapiche, Sambat, Malaking Pulo, Maugat, Pantay na Bata, Pantay na Matanda, Ambulong at iba pang lugal kaya katiting lamang ang naireremit sa ma-anomalyang tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kaya dapat nang ipasara ang operasyon ng PCSO-sponsored STL sa Lungsod ng Tanauan, ginagamit lang itong prente ng bookies o jueteng operation at drug pushing activity sa buong lalawigan.
Ang mala casino namang ilegal na puesto pijo o permanenteng sugalan ni alyas Glenda na may bentahan pa ng shabu at bugawan ng mga prostitute ay nasa tabi lamang ng CP Reyes Satellite Clinic malapit din sa ilang pribadong eskwelahan ay halos dalawang taon nang di tinitinag ng kapulisan ng Malvar.
Nagkaroon lamang ng kunwari ay raid o moro-morong pagsalakay sa mga pasugalan ni alyas Glenda sa bayan ng Malvar at sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City kamakailan dahil sa mga reklamong idinulog ngunit hindi naman inaaksyunan nina Malvar Police Chief Capt Nemecio Calipjo Jr. at Lipa City Police Chief Lt Col. Rix Villareal.
Ito ang nagbunsod sa mga civic group sa Batangas upang dumulog hanggang sa tanggapan ng Camp Crame Police Headquarter kung saan kinondena nila ang perwisyong dulot ng salot na drug, gambling at prostitution.
Bukas-sara ang pasugalan ni alyas Glenda. Kung may nagrereklamo ay saglit lang na ipinasasara ni Capt. Calipjo Jr., ngunit pinalalarga din ang operasyon nito sa utos ng mga protektor na lokal na police official, Malvar municipal government, Batangas Provincial Police Office at Provincial Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Benjamin Acorda Jr., pakitanggalan nyo na ng maskara ang mga police at LGU na protector ng gambling at drug operation sa Tanauan City, Lipa City at Malvar town?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144