Advertisers
NASA `hot water’ ngayon ang isang pastor nang kasuhan ng ‘acts of lasciviousness’ ng isang menor-de-edad sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte, ayon sa Sarrat Police Station (SPS).
Ito ang kinumpirma ni SPS Chief-of-Police, Captain Reycar Almazan, at itinurong suspek ang 54-anyos na pastor sa nasabing bayan.
Sa report, ang 14-anyos na biktima ay sinamahan ng kanyang tita sa pulisya upang maghain ng reklamo.
Sa sinumpaang salaysay ng dalagita, nagtrabaho ang kanyang nanay sa kabilang bayan at iniwan ito sa bahay ng pastor na malapit nilang kamag-anak.
Sinabi ng biktima sa pulisya, nagawang lamasin ng pastor ang maseselang bahagi ng katawan nito habang nasa loob ng kanyang bahay.
Nagsumbong ang dalagita sa kanyang nanay at tita na agad namang nagpunta sa SPS.
Ayon sa pulisya, desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaukulang kaso ang pastor.