Advertisers
PATINDI nang patindi ang “word war” sa pagitan nina Senate Majory Leader Joel Villanueva at House Appropriations Committee chairman Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co kaugnay ng kontrobersiyal na pagsusulong sa people’s initiative para sa pagretoke sa kasalukuyan nating Saligang Batas.
Sa kanyang privilege speech sa session ng Senado nitong Lunes, niresbakan ni Villanueva si Co matapos ipagsigawan ng huli nitong nakaraang linggo ang Ombudsman case ng una, na ‘perpetually disqualified’ at wala na dapat sa Senado.
Nanggagalaiti na ipinakita ni Villanueva ang mga dokumento na nagpapatunay na ang kaso niya sa Ombudsman ay walang katotohanan, pineke lamang daw ang kanyang pirma para sampahan siya ng kaso sa Ombudsman.
“Mr. President, 2019 pa po dinismis na po ang kasong ito na ipinaparatang sa atin… Nag-research at nag-aral po ba ang nag-akusa sa atin?” ngitngit ni Villanueva patungkol kay Co.
Isiniwalat ni Villanueva ang pagkakasangkot ni Co sa Sunwest Corporation, ang kumpanyang umano’y pag-aari ng kongresista, na isa sa biggest government contractors sa bansa, at sangkot sa maraming kontrobersiya tulad ng Pharmally deal at Department of Education laptop deal, bukod pa raw sa mga kaso nito sa BIR.
“Ngayon po, kakalkalin ngayon ang kanyang mga kaso. Nakakalungkot po dahil kaibigan naman po natin siya pero dahil po pumasok siya sa away na hindi niya away, kailangan niya magbanggit ng mga personal attacks, eh kakalkalin po itong mga atraso niya sa bayan,” diin ng senador.
“Ito pong kumpanya niyang Sunwest Corporation–true or false– ito po ba ang isa sa pinakamalaking government contractor sa bansa? Sagot, true! True or false? Ang korporasyon niya po bang Sunwest Corporation ay kasama dito sa kontrobersyal na Pharmally case dito na inimbestigahan sa Senado na pinapakasuhan ng Senado? The answer is true! Kasama din po ba ang kumpanya niya dito po sa kontrobersyal na DepEd laptop scam? Ang sagot po, true! Pinakakasuhan din po ng Senado ang kumpanyang to,” pagpapatuloy ni Villanueva.
Ibinunyag din ni Villanueva ang nakabinbin na kaso ng Sunwest Corp. sa Bureau of Internal Revenue (BIR), gayundin ang umano’y P50-billion complaint laban kay Co na isinampa ng Task Force Kasanag International.
“Kung maglalabas po kayo ng baho, dapat naman siguro maligo ka muna. Ang masaklap po… sa kabila po ng track record na ito ni Mr. Zaldy Co, ang masaklap po in-appoint po siya ng Kamara de Representantes bilang tagapag-bantay ng kaban ng bayan,” ngitngit ni Villanueva.
“Si Dracula in-appoint mo bilang tagapag-bantay ng blood bank ng bayan. Wow… Kailan sa kasaysayan ng bayan natin nangyari ang ganitong pagkakataon na isang big-time contractor ang hahawak sa kaban ng bayan. Only in the Philippines,” birada pa ng Senador.
Sinuportahan naman nina Senador Pia Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, JV Ejercito, Sonny Angara, at Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga birada ni Villanueva kay Zaldy Co.
Abangan natin ang sagot rito ni “Zaldy” Co?
Siyanga pala, ang Sunwest Corp. ang sumisira ngayon sa kabundukan sa Tablas island, Romblon. Bilyones ang kontrata nila sa ‘Cross country road’ project, na sa totoo lang ay aksaya ng taxpayers money dahil walang dumadaan sa naturang mga kalsada dahil sa napakatatarik. Obviously pinagkakitaan lang ang naturang proyekto. Mismo!