Advertisers
UULITIN ko China, hindi mo kaaway ang Pilipinas, sa totoo lang, matapat na kaibigan ang mga Pilipino — simula noong hindi pa ito “natutuklasan” ng Espanya, nandito na ang iyong mga “anak ng Chino” at noon at hanggang ngayon, hindi lang sila kinupkop ng katutubo ng mga islang ito sa Malayong Silangan.
Puro o dugong Chinese nga ang Taipan ng Pilipinas: hawak na nila ang kabuhayan at buhay araw-araw ng mga Pilipino sa pamamayani ng kanilang mga hawak na higanteng industriya at negosyo, at sa iba pang larangan.
Ano pa ba at gusto mong mangyari, China?
“Wag mo naman kami palaging binu-bully!”
Wala kaming ginawang masama sa iyo, China.
Hindi kami kasama sa mga bansang nam-bully at sumakop sa iyo noon at ang Pilipinas ay isa sa nagbunyi nang maipanalo mo, China ang iyong kalayaan at ang pagkatatag ng People’s Republic of China.
Halos lahat ng produkto mo, malayang nakapapasok at tinatangkilik namin — at ‘wag itanggi na malaki ang naiaambag namin sa iyong kabangyaman sa mga inaangkat naming bunga ng iyong malalaking industriya.
Pati ang entertainment industry mo, tinatangkilik namin at naipakita namin ang aming matapat na pagkakaibigan.
Kaya bakit ang kakaunting amin — ang West Philippine Sea (WPS) — ay pilit mo pang inaangkin at marami na nga ang nasa kamay mo na.
Nakapagpatayo ka nga ng mga military at naval bases sa mga isla at bahura na sakop ng aming exclusive economic zone — na wag mong itanggi, nakapag-imbak ka na, China ng mga armas nuclear, missiles, mga baro de giyera at malay namin, sa ilalim ng aming dagat at mga isla, gumagala na ang iyong mga submarino.
Sabi mo, kaibigan mo kami, China, pero hindi iyon ang nakikita namin — sa higit kumulang na 700 pangyayari, kitang-kita ang iyong panlalamang, ang iyong paghahari-harian at lantarang pagyapak sa amin.
Dragon ka nga at butiki lamang kami sa iyong mata pero ang tingin namin sa iyo, China, mabuti ka.
Hindi ka namin inapi kahit minsan man.
‘Wag kami dahil hindi ka namin kaaway.
Ang galing mong magpalusot at sobrang magaling kang magpropaganda at gumawa ng maniobrang diplomasya na dyan ka nga ngayon experto.
Kahit ano pa ang sabihin mo lagi mo na lang kaming binu-bully, binabardagol at sobrang inaagrayabado sa lahat ng mga pangyayari dyan sa WPS, kagaya nang mga una mong ginawa dati pa na paglente ng military grade laser at pagbomba ng water cannons sa aming mga barko sa Ayungin Shoal at iba pa.
Nagagalit ka, kasi nakikipag-alyado kami sa mahigpit mong kaaway — ang US, Australia at ang Japan.
E, paano nga, lantaran na ang unti-unti mong pananakop sa amin, e ano ang gagawin namin kungdi ang humingi ng tulong.
Ayaw naming madamay sa away nyo ng US at japan at iba pang bansa sa Europe, pero imbes na magpakita ka ng kabaitan, ano ang ginagawa mo, China?
Ang amin ay iyong inaagaw; ang aming mga isla sa WPS, tinaniman mo na ng armas de giyera mo, at isang pindot mo lang, durog na kami.
Iyan naman ang realidad at masakit na katotohanan sa aming kalagayang mahina sa lahat ng bagay; kumbaga sa pamilya, bahay kubo lang kami at itak at sumpak ang armas.
Ikaw, numero dos kang military power sa mundo , e ano nga ang laban namin sa iyo, China.
Bakit nagkaganyan ka, e hindi ka naman ganyan noong panahon ni Chairman Mao Ze Dong at Deng Xiaoping.
Ngayon, China, ikaw ay bully, aggressor, exploiter.
Ganyan ka sa amin na kaibigan ang turing sa iyo, China.
Kaya nga, kung maisip namin na humingi ng tulong sa ibang bansa sa Asia — na magtulungan kami para, sabi ni Deng Xiaoping ay “overthrow” ka, hindi mo masisisi kung magnais ang ASEAN nations na magkaisa laban sa iyo.
Tatapusin na rin ng ibang bansa sa Asia ang kanilang pananahimik — at maaari, at sana ay mangyari, magkaisa na tumindig para sabihin sa iyo, China, tama na, sobra ka na.
Amin ang WPS, China.
Wag mong kamkamin ang hindi sa iyo.
Ayaw ni Deng Xiaoping ang inaasta mo.
Igalang mo ang batas ng 2016 United Nations Convention on the Law of the Sea arbitration.
Tanggapin mo na ang desisyon ng International Court of Arbitration at dinggin mo ang payo ng ama ng inyong industrialization na si Deng Xiaoping.
China, kung kaibigan mo nga kami, titigil ka na sa pangangamkam mo sa mga isla namin.
Sanabagan!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.