Advertisers
Congratulations sa lungsod ng Maynila sa napakatagumpay na pagsasagawa ng Chinese New Year countdown noong hatinggabi ng Pebrero 9 at ‘Solidarity Parade’ kinabukasan, February 10, na siyang talagang araw ng Chinese New Year.
Talaga namang nag-uumapaw ang dami ng taong nagtungo sa Jones Bridge, gilid ng Pasig River at esplanade, para makiisa sa countdown at makita nang personal ang musical fireworks display na tumagal nang may 12 minuto.
Kinabukasan, talagang di na mahulugang-karayom ang kapal ng mga tao mula pa lamang sa Post Office building sa Lawton kung saan nagsimula ang parada, hanggang sa Ongpin at Lucky Chinatown, kung saan naman ito nagtapos.
Dahil maging ako ay nakiisa at sumama sa nasabing prusisyon, mayroon akong mga na-interview at sabi nila, nagtungo sila sa Chinatown dahil nabalitaan nila ang tungkol sa countdown at parada sa pamamagitan ng news forum na isinagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), ang ‘MACHRA Balitaan sa Harbor View.’
Doon kasi ay dumalo si Manila City Administrator Bernie Ang, Manila Chinatown Development Council director Willord Chua at Manila Chinatown Barangay Organization president Jeff Lau, kung saan idinetalye nila ang mga aktibidad na naka-linya para sa Chinese New Year celebrations.
Sabi nga ni City Ad Bernie, umabot pa hanggang sa China ang forum na kanilang dinaluhan at ikinatuwa ito ng mga foreign counterparts nila doon.
Dahil nga may sapat na publicity, dinagsa ng may 1. 5 milyong katao ang mga nasabing okasyon at ang Manila Chinatown sa kabuuan ng selebrasyon para sa Chinese New Year.
Usad-pagong ang parada sa kapal ng tao at huminto pa ng may 30 minuto pagdating sa may kanto ng Ongpin dahil hindi makaandar bunga ng dami ng tao.
Bukod kay City Ad Bernie na siyang namuno sa pangangasiwa ng Chinese New Year celebration, itong taong ito ang nakapag-rehistro ng pinakamaraming nakiisa at nakadalo sa mga pagdiriwang kaugnay ng Chinese New Year.
Marami umanong tumulong mula sa pribadong sektor para sa pagtatagumpay ng mga aktibidad, dahilan para walang lumabas na pera mula sa kaban ng lungsod, kahit isang kusing.
Nariyan din na tumulong at nagpakinang sa selebrasyon sina China Ambassador to the Philippines Huang Xilian, na sumakay sa lead float kasama ni Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua at mga konsehal, pawang ng third district of Manila, Manila-China Cultural Affairs Office head Ati Co, Chua, Lau, consultant Keye Cruz, (FFCCCII) President Cecilio Pedro, Filipino-Chinese Youth Business Association sa pamumuno ni founding President Peter Zhuang,
Malaki rin ang naging ambag nina Charlie Dungo at Ma. Corazon ‘Tammy’ Tamayo, director at assistant department head ng department of tourism, culture and the arts (DDTCAM),
Nabanggit daw ni Ambassador Huang kay City Ad Ang ang kanyang pagkagulat at tuwa sa dami ng sumalubong sa parada.
Mabanggit ko na rin na maganda ang naging speech ni FFCCIII President Pedro kung saan sinabi niya na gaya ng maraming Tsino sa Pilipinas, siya ay may pusong Pilipino. Sa Pilipinas daw siya ipinanganak at sa Pilipinas mananatili hanggang sa kanyang huling hininga.
Kaya naman siya, gaya nga din ng lahat ng miyembro ng Chinese-Filipino community, ay patuloy na umaasa at nagdarasal na maging tuloy-tuloy lang ang magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China. Sana nga…
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.