Advertisers
SUGATAN ang mag-asawa nang pagbabarilin ng retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines, pero nagawang manlaban ng sugatang mister na ikinasawi ng salarin sa Purok Maligaya, Barangay 5, Lucena City.
Nagtamo ng tama ng bala ng kalibre 38 sa ulo ang misis na si Janeth Musa, 56 anyos, habang sa likurang bahagi ng katawan tinamaan ang mister nitong si Fernando, 54, na parehong agaw-buhay sa Quezon Medical Center (QMC).
Namatay naman agad sa crime scene ang umatakeng si Noel Villanueva, 66, retiradong sundalo ng Philippine Army, nang maagaw ni Fernando ang baril at makaganti ng putok.
Sa ulat, naglalakad patungo sa kanilang bahay 8:00 ng gabi si Janeth nang malapitang barilin ng nakaabang na si Villanueva.
Pagkatapos barilin ni Villanueva ang ginang, pinuntahan niya ang bahay ng mag-asawa at binaril din ang mister nito na si Fernando.
Bagama’t sugatan, nagawang agawin ni Fernando ang baril kay Vilanueva at ipinutok iyon, sanhi ng agarang kamatayan ng huli dahil sa tama ng bala sa ulo.
Dating alitan ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.