Advertisers
ISINUSULONG ng mga matitinong senador at kongresista ang pagbawal sa mga politiko na umepal sa pamamahagi ng ayuda ng gobyerno lalo kung cash assistance.
Tumpak ang hakbang na ito nina Senador JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Koko Pimentel at Risa Hontiveros, at ng mga mambabatas mula sa Makabayan Block at nina Congressman Teddy Baguilat at Edcel Lagman at ilan pang mambabatas sa Mababang Kapulungan.
Pero para sa akin, higit dapat na pagbawalan ang government officials na mag-imbita ng mga politiko sa araw o oras ng pamamahagi ng mga ayuda.
Oo! Dahil hindi naman pupunta ang politiko kung hindi inimbitahan. Unang una, bago mag- “OO” ang politiko sa isang invitation, titingnan niya ang kanyang mga schedule, at isisingit puntahan ang sa tingin niya ay maraming audience o makakakuha siya ng boto pagdating ng eleksiyon.
Kaya higit dapat na pagbawalan o parusahan ang government officials na nag-iimbita sa mga politiko kapag may bugayan ng mga ayuda lalo cash assistance tulad ng sa TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) na programa ng Department of Labor, at AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Maging sa bigayan ng educational asssistance, galing man ito sa local government unit o sa pondo ng kongresista o ng senador, hindi parin dapat bumabandera sa ibabaw ng stage ang politiko dahil malinaw naman na taxpayers money ang ipinamamahagi, naka-appropriate sa taunang budget na aprubado ng kanilang konseho. Maliwanag yan!
Ang problema kasi sa govt. officials lalo sa mga probinsiya ay mga sipsip sa politiko. Kaya kapag may event tulad ng pag-release ng ayuda o cash assistance ay gagawing “guest of honor” si Mayor, si Governor o si Congressman.
Ito ang dapat ipagbawal sa govt. officials. Now na!
***
Maganda ang panukalang batas ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na gawing libre ang taunang medical checkup para sa lahat ng Filipino, lalo ang senior citizens.
Sa kabila kasi ng pagsabatas sa Universal Health Care Program ng gobyerno ay marami paring Pilipino ang namamatay sa mga sakit na puwede namang maiwasan kapag naagapan.
Katulad lang halimbawa ng kapitbahay ko sa Tondo, Manila, kahapon ng umaga ay dumadaing ito ng pangpa-checkup dahil masakit daw ang kanyang balakang at dibdib. Bagama’t maraming city-run hospitals sa Maynila ay pahirapan naman ang makapagpa-checkup, walang duktor, at kung anu-anong inirarason ng staff, dahilan para hindi na makapagpa-checkup ang matanda.