Advertisers
NASAWI ang dalawang estudayanteng sakay ng “kolong-kolong” nang bumangga sa kasalubong na elf truck sa kahabaan ng highway sa Barangay Culao, Calveria, Cagayan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Edmar Cabuyadao, 20 anyos, driver; at Lloyd Lagarico, 19, back rider, at kapwa residente sa Centro 1, Sanchez Mira, Cagayan.
Ayon kay Major Mario Maraggun, hepe ng PNP Claveria, nagpagupit sa kalapit na barangay ng Claveria ang dalawang biktima at nangyari ang insidente habang papauwi na sa kanilang barangay nitong Abril 13, 2024.
Batay sa imbestigasyon, mabilis ang patakbo ni Cabuyadao sa kolong-kolong at nang marating ang pakurbang bahagi ng lansangan sa Brgy. Culao, nawalan ito ng kontrol dahil sa pagtagilid at pag-angat ng side car. Dahil dito, diretsong tinahak nito ang linya ng kasalubong na elf truck na minamaneho ni Erwin Ilovino, 51, ng Brgy. Magacan, Sanchez Mira.
Sumalpok ang kolong-kolong sa unahang bahagi ng elf truck, at dahil sa lakas ng impak ay tumilapon ang mga biktima at tumama ang kanilang ulo sa kongkretong bahagi ng kalsada at nagtamo pa ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sinubukan namang isugod sa ospital ang mga ito ngunit idineklarang ‘Dead on Arrival’ ng umasikasong duktor.