Advertisers
PATAY ang 29-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng inutangan sa Moises Padilla, Negros Occidental, Lunes ng hapon
Ayon kay Police Major Joevito Bose, hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station (MPS), ilang ulit na tinarakan ng 59-anyos na person with disability (PWD) ang biktima dahil sa patuloy umano nitong pandededma sa kanyang paniningil.
Nangyari ang insidente sa Barangay Quintin Remo nang lapitan ng salarin ang biktima at siningil ulit ito sa kanyang utang na P100.
Tinawanan lang umano ito ng biktima at sinipa pa ng ilang beses sa mukha.
Dahil dito, kumuha ng patalim ang salarin at pinagsasaksak sa kanang binti at katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nabatid na ilang linggo nang sinisingil ng salarin ang biktima pero sa halip na magbayad ay inaasar pa nito ang una dahil sa isang mata niya na bulag.
Nadakip ang salarin at sinampahan ng kasong homicide.