SAH, tumanggap ng Provisional I Accreditation Status – Mayor Honey
Advertisers
INANUNSYO ni Mayor Honey Lacuna na tumanggap ang Sta. Ana Hospital (SAH) ng Provisional I Accreditation Status para sa kanilang residency training program sa internal medicine.
Ang pagkilala, ayon kay Lacuna na ipinagkakaloob ng Philippine College of Physicians nitong weekend, ay panibagong karangalan para sa city-run hospital.
Dumalo para personal na tanggapin ang accreditation sa SMX Convention Center sa Pasay City sina SAH Director Dr. Grace Padilla, Assistant Director Dr. Maria Nanette Pamatian-Pagalan, at Department of Internal Medicine Chairman Dr. Paul Lucas .
Sinamahan sila sa nasabing okasyon nina training officer Dr. KayeCee Dela Paz at ang mga pioneer batch of residents na sina Cole Go, Ardiyah Lampa, Obie Viñola, John Brian Gonzaga, at Diane Mariel Cresencio.
Ang SAH ay isa sa anim na pagamutan na pinatatakbo ng local government of Manila at dahil mayroon na itong accreditation para sa internal medicine residency program, sinabi ni Padilla na ang SAH ay malapit na ring makamit ang level 3 status.
Sinabi ni Lacuna, na isa ring doktor na malayo-layo na rin ang nararating ng SAH na higit pa nitong pinatunayan noong kasagsagan ang pandemya, kung saan tinalo nito ang ibang pagamutan dahil ito ang naging center ng COVID-19 testing and treatment at custodian ng lahat ng bakuna para sa nasabing sakit.
Matatandaan na noong si Lacuna pa ang vice mayor, pinangunahan nito ang health cluster kung saan direktang bumabagsak ang SAH.
Nagpahayag ng pagmamalaki ang alkalde sa panibagong status na natamo ng SAH sa nakaraang mga taon at sa dami ng karangalan na tinamo nito sa ilalim ng pamamahala ni Padilla. (ANDI GARCIA)