Advertisers

Advertisers

7 OPISYAL NG BUCOR SIBAK SA ‘DI MAKATAONG ‘STRIP SEARCH’

0 76

Advertisers

SINIBAK sa kani-kanilang puwesto ang pitong correction officers ng Bureau of Corrections (BuCoR) kaugnay ng kautusan ni Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa reklamo ng mga misis ng ilang preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa ginawang pag-search sa kanila.

Kinilala ang mga sinibak na sina Correction Officers Karen Soriano, Kiera Iket, Odesa Etong, Ahmor Darasin, Guada Bello, Melowyne Tallongan at Angelique Domingo.

Nilagdaan ang kanilang relieved order ni CCINSP Ruben R Formoso, OIC- Acting NBP Superintendent.
Itinalaga muna ang 7 correction officers sa NBP superintendent office habang iniimbestigahan ang mga ito.



Ayon kay Formoso, ang isasagawang imbestigasyon sa pitong correction officer ay sesentro kung nagkaroon sila ng paglabag sa protocol at kung paano nila isinagawa ang strip search na pinatutupad ng BuCor sa mga kulungang nasa kanilang hurisdiksiyon.

Nag-ugat ito sa naging reklamo ng mga misis ng ilang preso na dumadalaw, na hindi raw makatao ang ginagawang search ng ilang correction officers sa kanila. Pinahuhubad daw ang kanilang mga underwear, bra at mga damit.



Samantala, ipinakita sa mga mamamahayag ni Correction Senior Inspector Abel Ciruela, Camp Commander ng NBP Maximum Security Camp, kung paano sila magsagawa ng search sa mga dalaw.

Ang pinatutupad na mahigpit na seguridad at strip search ng BuCor sa mga dalaw ay upang hindi makapasok sa mga kulungan ang anumang kontrabando, na kamakailan lamang ay isang babae ang naaresto nang makuhanan ng droga sa kanyang ari.



Samantala, inatasan na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang BuCor na pag-aralan ang posibleng parusa laban sa mga opisyal at personnel na inireklamo ng mapang-abusong inspeksyon sa ilang dumadalaw na kamag-anak ng “persons deprived of liberty” (PDL) sa NBP.

Partikular na pinaiimbestigahan ng Kalihim ang reklamo sa ilang opisyal at guwardiya ng Bilibid na pinaghubo’t hubad at ilang beses na pinag-squat sa inspeksyon ang dalawang babaeng bumisita sa kanilang mga asawang PDL.

Iginiit din ni Remulla na hindi kinukunsinte ng kagawaran ang anumang pang-aabuso sa trabaho ng mga prison guard, lalo sa pagsasagawa ng pisikal na inspeksyon sa mga bumibisitang kamag-anak o kaibigan ng mga PDL.

Binigyang diin ni Remulla na may umiiral at mga international standard ang gobyerno sa pagsasagawa ng body search o inspection sa ilalim ng UN Standard Minimum Rules for Treatment of Prisoners, kungsaan dapat tiyaking may respeto sa dignidad at privacy ng mga kinapkapan.

Nakasaad din sa ilalim ng BuCor Operating Manual ang tamang pagsasagawa ng inspeksyon at pagpapataw ng parusa sa mga napatutunayang nagdadala ng kontrabando. (Gaynor Bonilla)