Advertisers
HINDI pa man nalulutas ang mga kaso ng pagpaslang at iba pang uri ng karahasan sa CALABARZON na bunsod ng pag-aagawan sa buriki ng petroleum pilferage na lalong kilala sa tawag na buriki, paihi, paawas at patulo, pati na ang colorum van at illegal terminal, ay isa na namang buhay ang nagbuwis nang pagbabarilin kamakalawa ang isang notorious na buriki operator sa Brgy. Sta Clara, Batangas City ng naturang lungsod.
Ang pag-ambush at pagkakapatay sa biktimang si alyas Dennis ay panglima sa karahasang nakatala sa datus ng PNP Region 4A, na kung karakang naaksyunan ng kapulisan ay di na sana naganap pa.
Nagtamo ng maraming tama ng .45 na pistola sa iba’t ibang parte ng katawan nang malapitang barilin ng dalawang riding in tandem sa imbakan ng kanyang mga nakaw na petroleum product sa pag-aari nitong lote sa Brgy. Sta Clara.
Ang biktima ay beteranong buriki/paihi operator at tampok sa ilang nakaraang pitak dahil sa di masupil na pagpapanakaw nito ng gasolina, krudo, A1 Jet fuel at oil product kasosyo si alyas Baldo at isang barangay kapitan sa malapit sa tulay ng ByPass Road, Brgy. Sampaga, Batangas City.
Si alyas Baldo ay nangako sa pamilya ng biktima na sa pakikipagtulungan sa kanya ng Batangas City PNP, Batangas PNP Provincial Police Office, CIDG Provincial Office at NBI ay hindi nito bibitawan ang pagpapatakbo ng naiwan ni alyas Dennis na burikian sa barangay ni Sampaga Chairman Rodel Banaag.
Si alyas Dennis ay ang dating operator ng colorum van at illegal terminal sa Batangas City Port Compound sa naturan ding barangay ngunit inambus ito ng grupo din ni Buloy halos may dalawang taon na ang nakararaan. Masuwerte namang nakaligtas ito sa kamatayan sa naunang pang-aambus.
Matapos na ambusin ay inagawan pa ito ng grupo ni Buloy sa pagpapatakbo ng burikian malapit sa gate ng Batangas Port , pamamahala ng biyahe ng higit sa 500 mga colorum van at ng illegal terminal sa Philippine Port Authority (PPA) Parking Area.
Naagaw din kay alyas Dennis ng grupo ni alyas Buloy ang pangongolekta ng Php 800 “butaw” ang pinaka magandang termino sa milyones na halaga ng tong collection sa mga colorum van driver bilang protection money o suhol sa ilang mga protektor na port authorities, NBI at PNP official.
Lumilitaw na hindi nilubayan ng mga suspek si alyas Dennis pagkat ang grupo din ni Buloy na “pinapatungan” ng isang aktibong PNP colonel ang suspek sa brutal na pamamaslang sa biktima. Mapangahas sa paggawa ng krimen si Buloy at ang partner nitong dalawang aktibong pulis sanhi ng proteksyon sa kanila ng kasosyo sa kanilang ilegal na kitaan na isang aktibong PNP colonel na ex-Batangas Provincial Commander.
Mistulang “usad pagong” naman ang isinasagawang imbestigasyon nina Batangas City Police Chief LtCol. Jephte F. Banderarado tulad ng isinagawang pagsisiyasat sa pagkakapatay ng grupo ni Buloy may mahigit sa dalawang taon na ang nakararaan sa isang barangay tanod Chief sa Brgy. Malitam ng naturan ding lungsod.
Hindi noon naaresto sina Buloy dahil sa kakulangan ng ebidensya kaugnay sa pagmurder sa naturang tanod chief na nagtamo ng may sampung tama ng bala .45 na pistola sa ulo at ibat ibang parte ng katawan.
Hanggang sa pagkondena na lamang ang nagawa ng pinakamalaking fraternity group na Batangas Varsitarian (BV) sa pamamaslang sa hepe ng barangay tanod na Vice President ng BV Batangas City Chapter.
Ilang linggo lamang matapos ang pamamaslang sa naturang tanod chief ay na-raid ng mga miyembro ng Batangas Provincial Police Office ang bahay ni Buloy sa Brgy. Sta. Clara at nakumpiska ang dalawang .45 pistola at isang granada. Ang nakadisismaya ay naareglo at hindi nakasuhan si Buloy dahil sa impluwensya ng “pamato” nitong police colonel na ex-Batangas PNP Provincial Commander.
Halos may isang taon pa lamang ang nakararaan ay inambus din at malubhang nasugatan ng bala .45 na pistola ang isang operator din ng burikian sa lalawigan ng Quezon, habang nasa kanilang bahay ito sa Malabanban Sur sa bayan ng Candelaria
Agawan sa pamimili ng nakaw na produktong petrolyo ang nakitang motibo sa pananambang sa nasabing buriki maintainer. Hindi nagsampa ng kaso ang biktimang buriki operator, ngunit sumumpa itong gaganti laban sa mastermind ng pagkakapagpa ambus sa kanya.
Ang serye ng mga karahasan na may kaugnayan sa buriki operation sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon ay nag iwan ng malaking batik di lamang sa pamunuan ni Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Bellmonte at Quezon PNP Provincial Director Ledon Monte, kundi maging kay PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas.
Ayon sa Anti vice crusaders group ay may 20 ang burikian sa rehiyon, kabilang dito ay inooperate ng magkalaguyong vice mayor kasosyo ng alyas Lucky at Lakatan sa boundary ng Taal-Lemery, malapit sa Buli Elem. School at Jollibee sa bayan ni Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado at hurisdiksyon ni Taal Police Chief Capt. Rommel Magno.
Bukod sa burikian nina Dennis, Baldo at barangay chairman sa Brgy. Sampaga at Buloy sa Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara ay may burikian din sina Ed at Rico sa Brgy. Bulihan, Malvar, Batangas; alyas Roy na may apat na pwesto ng burikian, sa Brgy. Saimsim tapat ng Yakult Philippines sa Calamba City; sa Brgy. San Isidro at Brgy. Malabanban Sur kapwa sa bayan ng Candelaria at Brgy. Lumingon sa munisipalidad ng Tiaong na pawang nasa hurisdiksyon ni Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte. Kasosyo at protektor ni Roy ang isang PNP Provincial Director.
May burikian pa ang isang alyas Bong sa likod ng Roadside Inn, Brgy. Isabang; Troy sa Brgy. Salinas, parehong sa Lucena City at Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis sa bayan ng Guinyangan. Kahit ayaw nito ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan. May apat naman burikian sa lalawigan ng Laguna, dalawa sa Brgy. Paciano sakop din ng Calamba City, isa sa Silangan Exit sa Cabuyao City at ang burikian/paihi ni Roy sa Brgy. Simsim, Calamba City.
“Pinapatungan” ang lahat nang ito ng Tata Boy Tong Collection Group na kinabibilangan din nina alyas Sgt. Adlawan, Gaston, alyas Capt Lloyd o Dave, alyas Sgt. Sandoval, Jeff, Sgt. Calingasan at Sgt. Ilaw ng Batangas, alyas Sgt. Panganiban, Richard, Arguelles at Jamie ng Quezon, alyas Joseph at Jack ng Laguna, Chard Miravillas ng Cavite, Richard, Sgt. Jun2 Cruz , Sgt. Marcial, Davalos, Barroga at Tata Rudy ng Rizal. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144